“Buhay Carinderia” project, sinuspinde ni DOT Sec. Puyat

Imahe kuha mula sa video ng GMA News

Sinuspinde ng katatalaga pa lamang na Department of Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat ang “Buhay Carinderia” project na nakatakda sanang isagawa ng Tourism Promotions Board (TPB) na pinangungunahan ni Cesar Montano.

Ayon sa ulat ng Inquirer, isiniwalat ni Sec. Puyat sa isang pulong balitaan na ipahihinto niya ang “Buhay Carinderia” na isang food tourism program ng pamahalaan matapos itong bigyan ng TPB ng P80 million sa loob lamang ng halos isang buwan kahit hindi pa tapos ang proyekto.

Naging “cordial” naman umano ang naging pag-uusap ni Puyat at Montano, chief operating officer ng TPB, hinggil sa isyu, subalit iginiit ng Kalihim na kung hindi dumaan sa “bidding” ang proyekto ay kailangan niya itong ipatigil. Mas mainam umano kung ang mga proyekto ay dadaan sa bidding process.

Sinabi umano ni Sec. Puyat kay Montano na susulat siya sa Commission on Audit upang magssagawa ng review at pre-audit sa nasabing proyekto.

“Kasi I cannot continue with the program kung may anomaly,” ani Puyat.

Paliwanag umano ni Montano, pumasa ang proyekto sa TPB Board at aprobado ng mga abogado ng ahensya.

Naniniwala si Puyat na “in good faith” naman si Montano sa kanyang aksyon na magbigay ng P80 milyon sa proyekto.

“Maybe ganu’n talaga ‘‘yung ginagawa nila sa TPB, pero sa akin hindi ako komportable. Kahit na P1 million lang ‘yan, dapat bini-bidding. Naniniwala naman ako sa kanila na ‘yon ang ginagawa ng TPB and Cesar acted in good faith, kasi ‘yun ang practice. Pero ako kasi, I have said it over and over again, lahat may bidding kasi public money ‘yan. Baka iba ‘yung patakaran do’n, pero sa akin, ang gagawin kong patakaran lahat transparent, lahat may bidding,” sabi ni Puyat.

 

Fact-checked against the following source(s) :

Inquirer, ABS-CBN, CNN Philippines, Kicker Daily News

Loading...