Bulalakaw, mas mahal pa sa ginto ang halaga

Imahe mula sa Ancient Origins

May pamahiin tungkol sa mga bulalakaw na nagsasabing kapag nakakita ka nito sa himpapawid at humiling ka ng kahit ano ay matutupad daw ang iyong kahilingan. Wala namang katotohanan ang pamihiing iyon, subalit posible kang magkamal ng salapi kapag nakapulot ka ng bulalakaw.

Sa bansang Morocco, marami ang nagbabakasakali na yumaman sa paghahanap ng mga bulalakaw o meteorite. Sa disyerto sa nasabing bansa matatagpuan ang maraming meteorite hunters. Mas madali umanong makita ang mga bulalakaw na bumagsak sa disyerto dahil walang mga halaman doon.

Bitbit ang kanilang mga metal detectors, malalakas na magnet at magnifying glass, ginagalugad ng mga meteorite hunters ang lahat ng sulok ng disyerto sa pag-asang ang susunod na bulalakaw na matatagpuan ang magpapabago sa kanilang buhay.

Sa isang artikulo ng Phys.org, sinabi ng isang meteorite hunter na ang halaga ng bulalakaw ay depende sa korte, kondisyon at “rarity” nito. Ang bulalakaw na galing sa planetang Mars ay maaari umanong maibenta ng $1,000 kada gramo.

Meteorite na galing sa planetang Mars
Meteorite na galing sa planetang Mars

Ayon sa isang meteorite hunter, isang masuwerteng hunter umano ang nakakuha ng bulalakaw na may bigat na 600 grams at naibenta iyon sa halagang $780 per gram.

Marami pang iba ang mapalad na nakakuha ng mga bulalakaw na mas mahal pa sa ginto ang halaga kaya naman maraming Moroccan ang nae-engganyong maging meteorite hunter. Sa kasalukuyan ang presyo ng ginto ay $41.89 kada gramo.

Mataas ang pangangailangan o demand ng mga siyentista sa bulalakaw kaya naman nananatiling mahal ang presyo ng mga ito. Para sa mga siyentista, sa mga bulalakaw ay may makukuhang napakahalagang mga impormasyon tungkol sa kung paano nabuo ang solar system, ang mga planeta at ang kanilang komposisyon.

Ayon pa sa mga dalubhasa, isa sa bawat limang meteorites ay mahalaga.

Loading...