Dating congressman, natiketan ng MMDA dahil sa paglabag sa number coding

Image capture from video by GMA News via You Tube

MAYNILA, Pilipinas  –  Ilang sasakyan ang nasampolan sa isinasagawang clearing operations ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) bilang paghahanda sa darating na state of the nation (SONA) address ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ilan sa mga nahuli ay ang sasakyan ng isang dating mambabatas at isang bise alkalde ng Samar.

Ayon kay MMDA operations officer Bong Nebrija, hinuli nila ang sasakyan ni dating Pampanga Representative Egmidio Lingad dahil lumabag ito sa number coding scheme.

Nagsasagawa umano ng clearing operations ang MMDA nang mamataan nila ang sasakyan ni Lingad na nakaparada sa harap ng St. Peter Parish Church sa Commonwealth Avenue, Quezon City. Nang lumabas ang dating congressman, nakipagtalo pa raw ito sa mga operatiba ng MMDA.

Ex-Rep. Egmidio Lingad| Image capture from video by ABS-CBN News
Ex-Rep. Egmidio Lingad| Image capture from video by ABS-CBN News

Paliwanag ni Lingad, nagsimba lamang siya at malapit lang ang kanyang bahay kaya nakiusap itong huwag na siyang tiketan, subalit tumanggi ang MMDA.

Tinangka pa umanong ibigay ni Lingad ang paso niyang lisensiya subalit napilitan itong iprisenta ang kanyang bagong dirver’s license nang sabihan na titiketan ulit siya dahil sa pagmamaneho nang walang lisensiya.

Wala namang nagawa ang dating kongresista kahit pa masama ang loob nito.

Maliban kay Lingad, isang vice mayor din ng Samar ang natiketan dahil sa pagparada ng kaniyang SUV sa harap ng condominium sa may service road ng Roxas Boulevard sa Pasay City.

Tumanggi naman si Nebrija na pangalanan pa ang babaeng bise alkalde na walang nagawa kundi magbayad ng kaukulang multa na P150 dahil sa obstruction, P500 dahil sa illegal parking at P6,000 para sa pag-tow ng kaniyang sasakyan.

Paliwanag pa ng MMDA, ang lahat ng mga bawal na gawin ng motorista ay itinuturo sa mga seminar sa pagkuha ng driver’s license kaya walang dahilan ang mga ito na hindi sumunod sa batas trapiko.

Loading...