Duterte, ika-69 sa listahan ng World’s Most Powerful People ng Forbes Magazine

Pinangalanan si Pangulong Rodrigo Duterte bilang ika-69 sa listahan ng The World’s Most Powerful People ng Forbes Magazine.

Ayon sa ulat ng GMA, binanggit sa naturang magazine ang laban ng Pangulo sa ipinagbabawal na gamot at pagiging  ‘raw at vulgar’ nito.

Ito ang ikalawang pagkakataon na nakapasok si Duterte sa listahan ng Forbes magazine. Noong 2017 nang siya’y makapasok bilang ika-70 sa listahan.

Samantala, nasa unang puwesto naman sa 2018 si Xi Jinping ng China, kasunod ni Russian President Vladimir Putin, US President Donald Trump, German Chancellor Angela Merkel, at Amazon CEO Jeff Bezos.

Kabilang din sa top 10  sina: Pope Francis, philanthropist Bill Gates, Saudi Arabia Crown Prince Mohammed bin Salman Al Saud, Narendra Modi ng India, at  Larry Page ng Google.

Ang listahan, ayon sa Forbes website, “identifies one person out of every 100 million whose actions mean the most.”

Unang pagkakataon namang maging number 1 ni Xi Jinping kung saan napalitan nito si Putin na kinilalang ‘most powerful person’ sa apat na magkakasunod na taon.

Ang istorya ay lalabas sa May 31, 2018 issue.

Loading…