Eroplano ng PAL mula sa Clark, nag-emergency landing sa NAIA

Imahe kuha sa video na ibinahagi sa Twitter ni Nestor Corrales

Nagsagawa ng emergency landing sa Ninoy InternationalAirport (NAIA)  ang isang eroplano ng Philippine Airlines (PAL) mula sa Clark International Airport dahil sa usok mula sa loob ng cabin.

Ayon sa ulat ng Philippines Magazine, kinumpirma umano ng tagapagsalita ng PAL na si Cielo Villaluna na ang PAL flight PR2687 mula Clark International Airport patungong Busuanga Island sa Palawan ay inilihis sa Maynila at nag-emergency landing sa NAIA.

Ani Villaluna, nakalapag naman nang ligtas ang eroplano. Ligtas rin umanong nakababa ang 55 nitong mga pasahero sa terminal 3 ng NAIA at tinulungan ng PAL ground staff sa kanilang rebooking at hotel accommodations.

Isang 76-seater na Bombardier Q400 ang eroplanong sangkot sa insidente.

Dagdag pa ng PAL Spokesperson, kasalukuyang iniimbestigahan ang sanhi ng insidente at nangakong magbibigay ng update kapag may mga bagong impormasyon na pumasok. Aniya, ang prayoridad ng PAL ay ang kaligtasan ng mga pasahero nito.

Tiniyak ng PAL na ginagawa nito ang lahat upang malaman ang sanhi ng smoke alert.

Loading...