Estados Unidos, binalaan ang China sa militarisasyon ng South China Sea

Binalaan ng Estados Unidos na  may “kahihinatnan” ang ginagawang militarisasyon ng China sa South China Sea.

Ayon sa CNBC, ang babala ng Estados Unidos ay ginawa sa pamamagitan ni Press secretary Sarah Huckabee Sanders na sumagot sa katanungan hinggil sa ginawang paglalagay ng China ng cruise missile at surface-to-air missile systems sa tatlong outposts nito sa Spratly Islands.

Batay umano sa isang US intelligence report, nagdeploy ng YJ-12B cruise missiles ang China na kayang tumarget ng mga barko sa distansiyang hanggang 295 nautical miles at ng HQ-9B long-range surface-to-air missiles na kaya namang tumarget ng hanggang 160 miles.

Ani Sanders, alam daw ng Estados Unidos ang ginagawang militarisasyon ng China sa rehiyon.

“We’re well-aware of China’s militarization of the South China Sea. There will be near-term and long-term consequences,” ang US Press Secretary sa mga mamamahayag.

Ayon naman sa tagapagsalita ng Foreign Ministry ng China na si Hua Chunying, ang konstruksiyong ginawa ng China sa Spratlys, kabilang na ang pagde-deploy ng mga kinakailangang national defense facilities ay naglalayong protektahan ang soberenya at seguridad ng China.

Wala umanong dapat na ikabahala ang mga walang balak na labagin ang nasabing soberenya.

Loading…