Executive Order para sa pagbabawal ng “endo”, pirmado na ni Pangulong Duterte

Pumirma ng isang executive order o atas ng pangulo si Pangulong Rodrigo Duterte na nagbabawal sa illegal contractualization na mas kilala rin bilang “endo” upang palakasin ang kapakanan ng mga manggagawang Pilipino, sa ika-116 na taong paggunita ng Araw ng mga Manggagawa o Labor Day nitong Mayo 1, 2018.

Sa kanyang talumpati na ginanap sa Cebu City, ipinagdiinan ng pangulo na isinusulong pa rin niya ang “endo” tulad ng ipinangako niya noong siya ay nangangampanya pa lamang sa pagkapangulo ng bansa.

“I remain firm in my commitment to end ‘endo’ and illegal contractualization,” sabi ng pangulo.

Tumutukoy ang “endo” o “end of contract” sa isang porma ng contractualization na talamak na nangyayari sa Pilipinas. Batay sa Labor Code, ang isang karaniwang empleyado o manggagawa ay maaaring maging regular at makapagtamasa ng mga benepisyong nakasaad sa batas kapag siya ay tumagal ng anim na buwang paninilbihan sa kumpanya. Maraming mga kumpanya na nagtatakda lamang ng limang buwan sa kanilang mga pinipiling manggagawa o empleyado, sapat upang hindi matamasa ang mga karapatang nakapaloob dito.

Ipinangako naman ni Pangulong Duterte na isa sa mga tuon ng kanyang administradyon ang kapakanan ng mga manggagawang Pilipino.

“More than a century has passed since the very first Labor Day was celebrated and yet the struggle for a better life for our beloved workers continue. I assure you that this government will never cease to provide the Filipino worker with full, dignified, and meaningful employment. They deserve no less than decent and comfortable life,” ani Duterte.

Ayon naman sa pangulo ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP) na si Donald Dee,  nakahandang sumunod ang pribadong sektor sa atas na ito ng pangulo.

Samantala, nagulat naman ang pinuno ng Partido ng Manggagawa (PM) na si Renato Magtubo sa lumabas na EO dahil hindi raw kinonsulta ang mga labor group sa paglabas nito. Pakiramdam daw nila ay ‘nagoyo’ sila.

Inutusan naman ng pangulo ang Department of Labor and Employment (DOLE) na ipasa ang listahan ng mga kumpanyang nagsasagawa ng mga illegal contractualization. Bilang na raw ang mga araw nila dahil matagal na niyang sinabing itigil ito.

“Your days are numbered. I have warned you before and I have warned you again. Stop ‘endo’ and illegal contracting. I will see to it that the laws are strongly enforced,” matatag na saad ng pangulo.

Nilinaw naman ni Labor Secretary Silvestre Bello III na ang EO ay hindi sumasaklaw sa lahat ng anyo ng contractualization, kundi doon lamang sa mga illegal contracting and subcontracting. Ang tanging pinapayagan lamang na contractual ay outsourced, seasonal jobs at project-based work.

Loading…