Factory sa Taiwan nasunog; ilang OFW apektado

MAYNILA, Pilipinas – Ilang overseas Filipino workers (OFW) sa Taiwan ngayon ang nag-aalala sa kanilang kalagayan matapos masunog ang factory na kanilang pinagtatrabahuan nitong Sabado ng gabi.

Ayon sa isang Pinay na trabahador na nakapanayam ng Bombo Radyo, wala umano silang naisalbang gamit lalo na ang mga importanteng dokumento at ngayon ay hindi nila alam kung pauuwiin sila ng kanilang amo dahil sa trahedyang nangyari.

Kuwento pa ng OFW, sa ika-5 palapag nagsimula ang apoy kung saan may aabot sa 5 Pinay ang nagtatrabaho.

Dahil sa nangyari, napilitan umano silang pansamantalang makitira sa mga kapwa-OFW habang hinihintay ang desisyon ng employer para sa kanilang magiging kapalaran.

Nasunog nitong Sabado bandang alas-9 ng gabi ang Chin Poon Industrial sa may Pingzhen District sa lungsod ng Taoyuan.

Umabot sa 7 katao ang kumpirmadong nasawi sa insidente kabilang na ang 5  bumbero at dalawang trabahador na parehong Thai.

Ito na umano ang pinakamalubhang trahedya na sinapit ng mga bumbero sa Taiwan sa nakaraang 11 taon.

Loading…