Gas reserves sa Maguindanao, kayang bayaran ang P6.65 trillion utang ng bansa

Imahe kuha sa video ng DZMM

Ibinida ni Maguindanao (2nd District) Rep. Zajid “Dong” Mangudadatu na posibleng maging “next Dubai” ang Maguindanao dahil sa “untapped natural gas reserves” sa Liguasan Marsh na tinatayang aabot sa $1-trillion o mahigit P52-trillion ang halaga.

Sa panayam sa kanya ng DZMM, sinabi ni Rep. Mangudadatu na kung mapakikinabangan na ang natural gas sa Liguasan Marsh ay kayang-kaya na umanong bayaran nang minsanan lang ang pagkakautang ng Pilipinas na nagkakahalaga ng P6.65 trillion.

Bukod sa Liguasan Marsh, kung saan ang natural gas reserve ay tinatayang aabot sa 68 billion cubic feet batay sa exploratory project na isinagawa ng Philippine national Oil Company noong taong 1994, nadiskubre din umano na may gas reserves sa ilalim ng Lake Buluan sa nasabing probinsiya.

Pinaniniwalaan din na may makukuhang langis at coal sa Maguindanao kung maghuhukay pa nang mas malalim.

Sa isang artikulo ng Journal Online, sinabi umano ni Mangudadatu na naipaalam na niya ang tungkol sa natural gas reserves ng Liguasan Marsh kay Pangulong Rodrigo Duterte nang magtungo ito sa probinsiya para sa Balik Baril Program noong nakaraang buwan.

Positibong feedback umano ang natanggap ni Mangudadatu mula kay Pangulong Duterte hinggil sa kung paano ima-maximize ang “God-given gift.”

Sabi pa ni Mangudadatu, ang tagumpay ng Liguasan ay hindi lamang para sa Maguindanao kundi para sa buong bansa.

Narito ang video ng panayam ng DZMM kay Rep. Mangudadatu:

 

 

Loading...