Halaga ng pinsala ng  bumagsak na flyover sa Cavite, aabot sa P12-M

Image from by Benedick Sagaoinit via Facebook post

MAYNILA, Pilipinas – Bagama’t hindi na magsasampa ng reklamo ang pamahalaan laban sa contractor ng ginagawang flyover sa Cavite na bumagsak kamakailan, aabot umano sa P12-M ang halaga ng pinsalang papasanin ng huli.

Nilinaw rin ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na walang gagastusin ang gobyerno sa nasabing aksidente dahil hindi pa naitu-turn over ang project sa pamahalaan.

Magugunitang bumagsak ang isang girder ng ginagawang flyover at limang beam ang nadaganan nito  sa Aguinaldo Highway sa Imus, Cavite noong nakaraang linggo na nagdulot ng katakot-takot na trapik sa lugar

Ayon kay DPWH Calabarzon director Samson Hebra, ‘human error’ ang naging sanhi ng pagbagsak ng konkretong girder. Ganunpaman, kailangan umanong sagutin ng contractor na JBL Builders ang gastos sa muling pag-fabricate nito na aabot sa P12-M.

Image from Nelson D Palarpalar's Facebook post
Image from Nelson D Palarpalar’s Facebook post

Posible rin umanong maantala ang completion ng naturang proyekto na nakatakda sanang matapos sa Disyembre subalit inaasahan na nilang hihingi ng extension ang contractor dahil sa nangyari.

Ang 700-metro na proyekto ay nagkakahalaga ng P265-M at ito ay extension ng Daang Hari Boulevard na magdudugtong sa Cavite-Laguna Expressway.

Bagama’t walang nadisgrasya sa insidente, napinsala naman ang isang trak ng contractor at isang nakahimpil na motorsiklo ng traffic enforcer habang nasugatan din ang driver ng trak.

Nanindigan din ang JBL Builders na aksidente ang pangyayari at hindi dahil substandard ang materyales na ginamit dito gaya ng kumakalat na kuwento sa social media. Nakahanda rin umano silang sagutin ang gastusin sa lahat ng naging pinsala sa insidente.

Loading...