Halos dalawang libong pulis hindi binigyan ng mid-year bonus

Imahe mula sa Facebook page ng Philippine National Police

Hindi binigyan ng Philippine National Police (PNP) ng mid-year bonus ang 1,988 na pulis na naparusahan dahil sa iba’t ibang kasong administratibo.

Ayon sa ulat ng Manila Standard, sinabi umano ni PNP Chief Director General Oscar Albayalde na ang mga pulis na naparusahan dahil sa mga administrative cases at ang parusang natanggap ay mas higit pa sa “reprimand” ay hindi karapat-dapat sa mid-year bonus.

Ang hindi pagbibigay ng mid-year bonus sa mga nagkasalang pulis ay alinsunod umano sa polisiya ng PNP.

Wika ng PNP Chief, ang mga pulis na hindi binigyan ng mid-year bonus ay yaong mga nasuspinde sa police service dahil sa kanilang mga kasong administratibo. Aniya, kahit ang mga pulis na naparusahan lang ng one day suspension ay hindi rin tatanggap ng nasabing bonus.

Ang mga pulis na may pending administrative cases, subalit wala pang resolusyon ang kaso ay kwalipikado pa ring tumanggap ng mid-year bonus.

“While your administrative case is ongoing makakatanggap ka pa kung hindi pa naman resolved. However, kung meron ng resolution even just for one day of suspension tanggal iyong mid-year bonus,” paliwanag ni Albayalde.

Isang paalala naman ang ibinigay ni Albayalde sa mga pulis na nakatanggap ng mid-year bonus.

“’Yung mga nakatanggap ng bonus I think they [should] spend it to their family. I-declare nila sa kanilang mga asawa. And you cannot even… hindi mo naman pwede itago yan kasi it’s included in the ATM. Hindi mo pwedeng itago yan kasi nasa ATM lalo na kung yung ATM mo nasa misis mo na, hinding hindi mo na pwede itago yan,” ani Albayalde.

Ang mid-year bonus ay ipinadala na ng PNP sa Land Bank of the Philippines payroll accounts ng 189,263 active duty personnel nito.

Loading...