
Pangkaraniwan na na ang mga guro ang tinatawag upang magsilbi sa eleksiyon. Kadalasan sa kakaunting honoraria ay buhay pa nila ang nagiging kapalit.
Kaugnay nito, may tax na ipapataw sa mga honoraria na matatanggap ng mga gurong magsisilbi sa darating na barangay at SK election sa Mayo 14.
Ayon sa ulat ng RMN, sinabi ni DepEd Secretary Leonor Briones na hindi pinagbigyan ng Bureau of Internal Revenue ang hiling ng ahensiya na gawing tax free ang honoraria na matatanggap ng mga gurong magsisilbing election board sa halalan.
Wika ni Briones, dahil sa umiiral na TRAIN Law at sa existing tax law kung kaya’t hindi napagbigyan ang ahensiya.
Ngunit naglabas naman ng Revenue Regulation ang BIR upang i-exempt sa tax ang honorariang matatanggap ng mga guro na ang annual income ay nasa P250k pababa.
Ibig sabihin lamang nito na buong matatanggap ang honorariya ng mga gurong may item na teacher 1 at 2 o nasa salary grade 11 o 12.
Kinakailangan lamang na isumite ng mga public school teacher na magsisilbi sa election ang Sworn Declaration, sa mismong araw ng eleksyon, kung saan dapat nilang ilagay dito ang kanilang salary grade at annual income, na siya namang iva-validate ng mga election officers.