Kilalanin ang trending na Tawag ng Tanghalan 2 grand finalist na si Janine Berdin

Mga larawan mula sa Facebook account ni Janine Berdin

Isa sa matatagumpay na tagisan ng tinig at talento sa kantahan ang “Tawag ng Tanghalan” na unang talent-search show ng ABS-CBN at unang ipinalabas noong 1953 hanggang 1972 at muling umere noong 1987 hanggang 1988. Ibinalik ang kompetisyon bilang reality show, ngunit ito ay inilagay na lamang bilang isang segment sa It’s Showtime, na umere noong Enero 2,  2016.

Ang pamantayan ng palabas ay kahawig ng orihinal na pamantayan nito na kailangang labanan ng daily contender ang defending champion.

Naging matagumpay ang season 1 nito, at sa season 2, isa sa mga pinag-usapang kalahok ang isa sa mga pinakabatang semi-finalists, na ngayon ay kabilang na sa grand-finals na si Janine Berdin mula sa Lapu-Lapu City, Visayas.

Larawan mula sa Facebook page ng It's Showtime
Larawan mula sa Facebook page ng It’s Showtime

Si Patricia Janine Dusaran Berdin ay labing-anim na taong gulang lamang at pinakabata sa kanyang mga ka-batch na defending champions na naglaban-laban sa semi-finals. Hindi na bago kay Janine ang pagharap sa camera at pagsali sa mga reality shows dahil bata pa lamang siya ay sumali na siya sa Star Circle Quest subalit hindi pinalad na manalo. Nakabilang na din siya sa mga Kapamilya shows na Mutya at Maalaala Mo Kaya.

Kapansin-pansin ang kakaibang tinig ni Janine na sa kabila ng murang edad ay kayang-kayang makipagsabayan sa mga kalabang nakatatanda, gayundin ang pinagmumulang damdamin at projection.

Kamakailan lamang ay naging #2 trending sa YouTube channel ang semi-final performances niya sa pagkakaawit ng ‘Banal na Aso, Santong Kabayo’ ng Yano at sariling bersyon ng ‘Narda’ ng Kamikazee. Sa tatlong huling magkakasunod na araw ng semi-finals ay standing ovation sa kanya ang mga hurado.

Narito ang makapanindig-balahibong performance ni Janine sa kantang ‘Banal na Aso, Santong Kabayo’ na kinanta niya noong Miyerkules, Mayo 16, 2018:

Samantala, binigyan naman ng bagong timpla ni Janine ang ‘Narda’ na inawit niya noong Huwebes, Mayo 17, 2018:

At narito naman ang finale performance ni Janine, dahilan upang matamo niya ang pinakamataas na grado mula sa mga hurado at pinakamataas na boto mula sa madlang pipol noong Biyernes, Mayo 18, 2018 — ang awiting ‘Skyscrapper’:

Hindi pa man grand-finals, marami nang tagahanga at tagasubaybay si Janine kaya’t aabangan ng lahat kung sino nga ba ang tatanghaling Tawag ng Tanghalan Season 2 grand winner.

Loading...