Mahigit 330 milyong Twitter users, hinihikayat na magpalit ng password

Hinihikayat ng Twitter nitong Huwebes, ika-3 ng Mayo, ang mahigit 330 milyong users nito na palitan ang kanilang mga passwords na hindi sinasadyang mailantad dahil sa isang problema sa kanilang internal computer system.

Ayon sa ulat ng Channel News Asia, sinabi ng social media site na wala naman silang nakitang palatandaan na nagkaroon ng access ang mga hackers sa nahantad na mga passwords. Magkagayunpaman, hinihikayat pa rin nila ang pagpapalit ng mga passwords bilang pag-iingat.

Sinabi ng Twitter na ginagawa nilang “encrypted” o “hashed” ang mga passwords upang hindi iyon mabasa kahit na ng mga nagtatrabaho sa loob ng Twitter, subalit dahil sa internal bug ay pumasok na ang mga passwords sa internal log kahit hindi pa natatapos ang “hashing process.”

Anang Twitter, sila mismo ang nakatuklas sa nangyari at kasalukuyan na silang nagsasagawa ng mga hakbang upang hindi na muling maulit ang bug.

Hindi naman sinabi ng Twitter ang eksaktong bilang ng mga naapektuhang passwords o kung gaano katagal iyon nahantad.

Humingi ng paumanhin ang Twitter sa mga users nito dahil sa nangyari.

Loading…