Mayor sa Mexico ikinulong, hiningan ng ransom ng mga tao dahil sa mga bigong pangako

Image from Ayuntamiento Chichiquila Puebla via Oddity Central

MAYNILA, Pilipinas – ikinulong at hiningan pa ng ransom ng kanyang mga nasasakupan ang isang mayor sa Mexico dahil sa kabiguan umano nitong tuparin ang kanyang mga pangako noong eleksyon.

Ayon sa ulat ng Noticias de Navara, sinugod ng mga galit na galit na tao ang mayor ng bayan ng Chichiquila na si Alfonso Hernández Montiel sa munisipyo mismo nito at pinagpaliwanag kung bakit hindi natupad ang kanyang mga ipinangako.

Matapos hindi makumbinsi sa paliwanag ng kanilang alkalde, nagdesisyon ang mga tao na ikandado sa loob si Montiel kasama ang kanyang mga staff.

Humingi rin umano ng ransom ang publiko mula kay Montiel na nagkakahalaga ng 10-M Mexican peso ($506,000) kapalit ng pagpapalaya dito. Ang naturang halaga daw ang katumbas ng mga proyektong nabigong gawin ng alkalde kabilang na ang isang tulay na mahalaga sana para sa mga tao.

Hindi naman nasabi sa ulat kung paano nalampasan ng mga tao ang pulis na nagbabantay sa munisipyo bago matagumpay na naokupa ang establisimiyento.

Image from Pulse Live
Image from Pulse Live

Tumanggi rin daw ang General Secretariat of Government (SGG) na bayaran ang hinihinging ransom ng mga tao at sa halip ay hiniling sa publiko na kusang palayain ang alkalde.

Makaraan ang ilang oras na negosasyon, pinalaya rin si Montiel matapos itong magbayad ng 3-M Mexican peso ($152,000) kasabay ang pangakong babayaran nito ang kakulangan sa mga darating na araw.

Bagama’t hindi na umano naniniwala ang publiko sa mga pangako ni Montiel, pumayag na rin silang buksan ang munisipyo upang makalabas ang opisyal.

Ayon sa ilang mamamayan, limang buwan na lamang ang nalalabi sa termino ni Montiel at nakadidismaya umano na wala man lamang itong tinupad sa kanyang mga pangako bago ito nahalal.

Loading...