Netizen, inisa-isa ang ilan sa mga maling gawi ng mga Pilipino na nagdudulot ng problema sa bansa

Mga larawan mula sa Facebook account ni Aaron Angeles

Kanino nga ba nakasalalay ang ikauunlad ng isang bansa? Nasa mga pinuno ba ng bayan, o nasa mga nasasakupan?

Ibinahagi ng isang concerned netizen na nagngangalang Aaron Angeles sa kanyang Facebook account ang ilan sa mga hindi magagandang gawi ng mga Pilipino na nagdudulot ng napakalaking suliranin  sa bansa; sa araw-araw na lamang na ito ay nangyayari at tila hindi nasasawata.

Naitanong pa niya; ito ba ay bahagi na talaga ng ating kalinangan, o manipestasyon ng kamangmangan?

Dalawa sa mga nabanggit ng netizen ang hindi pagsunod sa mga babala at simpleng panuntunan at kawalan ng disiplina sa pagtatapon ng basura at paglilipit ng kinainan sa mga pampublikong kainan o fast food chain.

Mga larawan mula sa Facebook account ni Aaron Angeles
Mga larawan mula sa Facebook account ni Aaron Angeles

Kapansin-pansin na may ilang mga Pilipino na kung saan pa mismo nakapaskil ang babala, doon pa mismo isinasagawa ang paglabag. Halimbawa, malinaw na nakalagay ang “Bawal magsakay at magbaba rito”, ngunit doon mismo humihinto ang mga pampasaherong sasakyan upang magsakay o magbaba ng pasahero.

Nakalagay ang paskil na “Bawal Umihi Rito” ngunit doon ang mapanghi. At kapag sinabing “Bawal Magtapon Ng Basura Dito,”  naroon ang sangkatutak na kalat.

May ilan ding mga Pilipino ang hindi sumusunod (o hindi nagbabasa) ng mga simpleng panuntunan sa paggamit ng mga pampublikong pasilidad gaya ng escalator. Sa kaliwang bahagi, (kanan kung ikaw ay papaitaas) nakalagay ang label na “Walk” na nangangahulugang ang bahaging iyon ng escalator ay kinakailangang bakante upang mailaan sa mga nais maglakad dahil nagmamadali, at ang kanang bahagi naman (kaliwa kapag papaitaas) ay may label na “Stand.”

Nakalulungkot isiping marami sa mga Pilipino ang binabalewala ang mga simpleng panuntunang ito. Ang siste pa, may isasagot sa iyo ang isang tipikal na ‘pilosopong’ Pinoy: “Gumamit ka ng hagdanan kung nagmamadali ka.”

Palusot dot com?

Ang ikatlo at ikaapat na maling gawi na inilahad ng netizen ay ang hindi pagliligpit ng kinainan sa mga fast food chain at kawalang-disiplina sa pagtatapon ng kalat o basura sa mga pampublikong lugar.

Mga larawan mula sa facebbok account ni Aaron Angeles
Mga larawan mula sa facebbok account ni Aaron Angeles

Nakasanayan na ng ilang mga Pilipino na iwang makalat ang mga pinagkainan sa mga fast food chain dahil katwiran nila, liligpitin naman ito ng service crew.

Ayon sa netizen, mas makabubuting kahit paano raw ay isalansan man lamang ang mga plato at kubyertos at itapon sa basurahan ang mga ginamit na tissue paper bilang respeto na rin sa mga susunod na kakain.

Ang kawalan ng disiplina sa pagtatapon ng kalat o basura kung saan-saan kahit may inilaan namang basurahan ang isa sa mga maituturing na nagdudulot ng suliraning pangkapaligiran. Nagkalat ang mga basura sa kalsada, sa mga kanal na dapat ay daluyan ng tubig kapag umulan, at mga anyong-tubig tulad ng ilog, sapa, at lawa. Kung matututuhan lamang ng mga tao na maging disiplinado sa wastong pagtatapon ng mga basura, tiyak na makatutulong ito sa pagsugpo ng pagbaha na nagbubunga rin ng kapahamakan sa mga mamamayan.

Batay sa mga inilahad na ito ng netizen, malaki ang problema ng ilang mga Pilipino sa pagkakaroon ng wastong DISIPLINA.

Ayon nga sa isang tag line, “Tungo sa kaunlaran, disiplina ang kailangan.”

May pag-asa pa kayang makamit ito ng higit na nakararami?

Loading...