Pagkakaibigang tunay: Magkakabarkada, sinagip ang kababatang naging taong grasa

Mga imahe mula sa Facebook posts nina Frankie Jawo Mangali at Jhun Mahinay

Hindi madaling makahanap ng mga tunay na kaibigan ngunit sa gitna ng malaking dagok sa buhay ay napatunayan ng isang nagngangalang “Jappy” na pinagpala siya sapagkat mayaman siya sa mga kaibigan na totoong nagmamalasakit at nagmamahal.

Sa Facebook, viral ngayon ang isang video na nagpapakita kung paanong sa kabila ng pagiging abala ay muling nabuo ang isang barkada para iligtas ang kababata nilang si Jappy na isa na palang taong grasa.

“Barkada namin dati nakakaiyak lang kasi pinabayaan,” sabi ni Jhun Mahinay sa caption ng video na ini-upload niya.

Noong una ay hindi pa sila nakilala ni Jappy ngunit matapos nitong pagmasdan isa-isa ang mga mukha nila ay waring bumalik ang alaala nito. Bigla itong napayuko at maluha-luhang ngumiti.

Maya-maya ay tuluyan na nitong nakilala ang mga kaibigan at nagsimulang kainin ang dala nilang pagkain.

“Sama ka sa amin, ha? Uwi na tayo ng Marikina,” yaya ng isa sa mga ito.

Naiiyak na pumayag si Jappy.

Kuwento Sa Likod Ng Viral Video

Noong ikawalo ng Mayo, ibinahagi ni Jan Baloloy ang isang mensahe sa kanya tungkol sa kababatang si Jappy at nanawagan sa mga kaibigan nito.

“Sa mga kababata ko at mga kumpare at sa mga naging kaibigan, ‘eto na si Jappy ngayon. Nakakaawa naman ‘tong kababbata natin,” saad ni Baloloy.

Isa sa magkakaibigan na si Frankie Jawo Mangali ang kaagad na tumungo sa kinaroroonan ni Jappy.

“Pinuntahan ko si Jappy kanina naabutan kong sumasayaw sa gilid ng Commonwealth Puregold 7 a.m. Naiiyak ako kasi hindi na talaga nakakakilala. Sinubukan kong kausapin pero parang wala nang naririnig. Nagsasalita na mag-isa. Marami nagbibigay sa kanya ng pagkain.Tinatanggap naman n’ya kaso itatapon din n’ya at ‘di kakainin. Gusto ko sana isama kaso baka bigla tumalon sa motor. Ano kaya magandang gawin natin?” wika ni Mangali.

Napagkasunduan ng magkakaibigan na magkita-kita muli at sabay-sabay silang tumungo kay Jappy; sa pag-asang babalik ang alaala nito kapag nagkasama-sama sila.

Sa huli, isinama ng magkakaibigan pauwi sa Marikina si Jappy. Tinulungan nila itong maligo, binihisan, pinakain, at patuloy na inaalalayan sa pagsisimula niyang muli sa buhay.

Hangad ng magkakaibigan na mapagamot si Jappy kung kaya nananawagan sila sa mga maaaring magbigay ng tulong sa kanila.

Narito ang viral video ng aktwal na pagsagip ng magkakaibigan sa kababata nilang si Jappy:

Loading...