Pagpapatigil sa “endo” makasasama sa manufacturing sector – Ekonomista

Isang bantog na ekonomista mula sa University of the Philippines ang nagbabala na lalong makasasama sa muling pagbuhay sa manufacturing sector ng bansa kung maisasabatas ang pagbabawal sa “endo”  (end of contract); isang uri ng kontraktuwalisasyon.

Sa ulat ng Sun Star, sinabi umano ni Professor Emeritus Raul Fabella ng UP School of Economics na lalo pang “masasaktan” ang manufacturing sector kung maisasabatas ang pagbabawal sa “endo.”

Matatandaan na nitong nakalipas na Labor day noong ika-1 ng Mayo ay nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isang executive order na nagbabawal sa ilang uri ng ilegal na kontraktuwalisasyon.

Ayon pa kay Fabella, bagama’t ang pagpapatigil sa “endo” ay magpapalakas sa karapatan at security of tenure ng mga manggagawa, hindi raw ito ang tamang panahon para sa Pilipinas dahil ang ekonomiya ay nangangailangan ng maayos na balanse sa pagitan ng services at manufacturing.

Ang manufacturing sector ay lumilikha ng trabaho at nakatutulong sa pagpapababa ng kahirapan sa bansa, anang ekonomista.

Kung matutuloy umano ang pagbabawal sa kontraktuwalisasyon ay posibleng mapilitan ang mga manufacturer na mamuhunan sa mga equipment o aparato kasya sa mga laborers kaya tataas ang unemployment rate.

 

Loading…