PNP, Samsung nagsanib para sa mobile app na magagamit ng publiko sa emergency

Imahe mula sa Samsung

Pumirma ng kasunduan ang Philippine National Police (PNP) sa technology giant na Samsung Electronics Philippines Corp. (Samsung) para sa mobile application na magagamit ng publiko sa oras ng kagipitan o krimen.

Ayon sa ulat ng Philstar, bumuo ng partnership ang mga opisyal ng PNP Directorate for Information and Communications Technology Management (DICTM) sa Samsung para sa “Samsung 321”; isang mobile app na may database ng mga telephone numbers ng mga national institutions at facilities.

Sa ilalim ng kasunduan, ibibigay ng PNP sa Samsung ang lahat ng telephone numbers ng mga police offices; maging ang lahat ng community precincts sa buong bansa.

Kapag na-install na ang app sa smartphones ay maaari nang tawagan ng publiko ang alin mang police station sa loob ng five-kilometer radius upang hingan ng tulong sa oras na  may nagaganap na krimen.

Ang “Samsung 321” ay magsisilbi ring gabay ng publiko sa lokasyon ng istasyon ng pulisya sa pamamagitan ng GPS o Global Positioning System.

Tiniyak ni DICTM chief Director Napoleon Taas na hindi makokompromiso ang mga smartphones ng tao at ligtas iyon sa mga hackers.

Ang nasabing mobile application ay noon pang 2016 gumagana at naglalaman iyon ng mga contact numbers ng mga fire stations at iba pang emergency rescue units.

Ayon kay Julis Arguson, head ng product engineering and technical compliance ng Samsung, nasa 800 telephone numbers na ng police stations ang na-upload sa mobile app.

Nasa 84 lokasyon na ang nasasakop ng mobile app kabilang na ang Metro Manila, Batangas, Nueva Ecija, Pampanga, Ilocos Norte, Occidental Mindoro, Albay at Palawan.

Loading...