Sen. Villar kinumpirmang si Sotto ang maaaring susunod na Senate President

MAYNILA, Pilipinas  –  Sa kabila ng patuloy na pagtanggi nina Senate Majority Leader Vicente ‘Tito’ Sotto III at Senate President Aquilino ‘Koko’ Pimentel III tungkol sa umano’y naging kasunduan sa susunod na liderato ng Mataas na Kapulungan, kinumpirma naman ito ni Senador Cynthia Villar.

Ayon kay Villar, napagkasunduan na umano ng kanyang mga kasamahan na iluklok si Sotto na magiging kahalili ni Pimentel bilang Senate President.

“It’s not a problem for us senators. It won’t bring trouble,” paliwanag ni Villar sa panayam ng Inquirer nitong Lunes.

Magugunitang una nang ibinulgar ni Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson na si Sotto na nga ang papalit kay Pimentel na matatapos na ang termino at muling tatakbo sa 2019 election.

Kaagad naman itong itinanggi pareho nina Sotto at Pimentel; dahilan upang humingi ng paumanhin si Lacson sa pangulo ng Senado.

Dati nang inamin ni Sotto na bukas siya sa magiging alok para palitan si Pimentel subalit kailangan pa umanong pag-usapan ito ng kanyang mga kasamahan.

Subalit ayon naman kay Senador Richard Gordon, hindi naman kailangan ngayon ang agarang pagpapalit ng liderato dahil maaayos pa naman ang takbo ng kanilang institusyon.

“I think we’re fine, I think we’re all right. Don’t change anything if it ain’t broken,” paliwanag ni Gordon sa panayam ng CNN Philippines.

Loading…