Tubo na naglalabas ng maruming tubig sa White Beach sa Boracay, nadiskubre

Isang kulay asul na tubo na naglalabas ng maitim at mabahong tubig ang nahukay ng mga kawani ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa sarado na ngayong isla ng Boracay.

Ayon sa ulat ng ABS-CBN, nahukay ng DENR ang nasabing tubo matapos nilang makatanggap ng tip mula sa isang concerned citizen.

Sa isang pahayag, sinabi ni Department of Interior and Local Government Asst. Secretary Epemaco Densing III na ayon sa impormante, may malalaking resort sa harap mismo ng White Beach  ang may underground drainage kung saan lahat ng maruming tubig mula sa kitchen ay doon nade-drain.

Ani Densing, sinabi ng concerned citizen na tatlo ang tubong nakabaon na direktang naglalabas ng maruming tubig sa station 2 ng White Beach.

 Ang dalawa pang tubo ay hindi pa natatagpuan.

Kumuha na ang DENR ng sample ng maruming tubig upang malaman ang kung gaano kadumi iyon.

Maaari umanong isa sa dahilan ang tubong naglalabas ng maruming tubig  kung bakit mataas ang bilang ng algae sa dagat.

 

Loading…