Unang space rocket ng pribadong spaceflight company sa China, inilunsad

Imahe kuha sa video ng OneSpace Technologies

Isinagawa ng OneSpace Technologies ang kauna-unahang paglulunsad ng private rocket sa kasaysayan ng bansang China.

Dominado ng Chinese government ang space industry sa China sa loob ng kalahating siglo at ang OneSpace Technologies ang unang pribadong kumpanya sa kanilang bansa ang naglunsad ng sarili nilang space rocket.

Ang “Chongqing Liangjiang Star” rocket na may taas na siyam na metro ay inilunsad noong ika-16 ng Mayo sa isang test field na hindi isiniwalat. Naabot ng space rocket ang taas na 273 kilometro bago iyon bumagsak pabalik sa Earth.

Sa isang pahayag ng OneSpace Technologies, layon umano ng paglunsad ng rocket na maipakita ang unang “working model” ng kanilang OS-X series of rockets na dinisenyo upang magsagawa ng pananaliksik na may kaugnayan sa suborbital flights.

Ayon sa ulat ng The Verge, ipinahayag umano ni Shu Chang, ang CEO ng OneSpace Technologies, na umaasa siya na ang kanyang kumpanya ay magiging isa sa pinakamalaking “small-sattelite launchers” sa buong mundo.

Plano umano nilang magsagawa ng 10 paglulunsad ng rockets sa taong 2019.

 

 

Loading...