Wanda Teo sinibak na sa puwesto?

MAYNILA, Pilipinas – Sinibak na nga ba sa puwesto bilang kalihim ng Department of Tourism (DOT) si Wanda Teo?

Bagama’t wala pang opisyal na kumpirmasyon mula sa Malakanyang, naiulat nitong Martes ng Philippine Star na pinag-resign na umano ni Pangulong Rodrigo Duterte si Teo matapos ang ginanap na Cabinet meeting nitong Lunes.

Ayon sa naturang pahayagan, hiningi ng Pangulo ang pagbibitiw ni Teo matapos ang kanilang one-on-one talk sa Malakanyang dahil sa kontrobersiya ng P60-M na umano’y binayad ng DOT sa Bitag Media Unlimited Inc. (BMUI) na pag-aari ng kapatid ng kalihim na si Ben Tulfo.

Subalit, ayaw pang magbigay ng opisyal na pahayag si Presidential Spokesperson Harry Roque tungkol sa pagsibak kay Teo bagama’t kinumpirma niyang nagkaroon nga ng masinsinang pag-uusap si Duterte at ang kalihim.

“Wala po akong ganyang impormasyon kasi siyempre, hindi naman po pupuwedeng manghimasok doon sa naging pribadong usapin nung 2,” ani Roque sa panayam ng DZMM.

Ayon pa kay Roque, matagal nga ang naging pribadong usapan ng dalawa subalit hindi niya umano alam ang kinalabasan nito dahil umalis na siya.

Nauna nang sinabi ni Teo na hindi siya bababa sa puwesto at sinabi pang ibabalik ng kaniyang kapatid ang P60-M na ibinayad ng DOT sa BMUI.

Samantala, tuloy naman ang imbestigasyon ng Senado sa nasabing kontrobersiya sa kabila ng napipintong pag-sauli ng P60-M, ito ay ayon kay Senador Nancy Binay, chairperson ng Senate committee on tourism.

“We welcome the gesture of good faith by Bitag to return the P60-million TV ad payment back to the government. Nonetheless, the DOT and PTV-4 need to clarify some issues with regards how commercials are placed and the terms of reference covering such agreements,” ani Binay sa isang pahayag.

Loading…