“Ampon” joke sa It’s Showtime, pinalagan ng DSWD

Image capture from video by ABS-CBN News via You Tube

MAYNILA, Pilipinas – Pumalag ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa “ampon” joke sa Kapamilya noontime show na It’s Showtime kamakailan dahil umano sa pagiging ‘insensitibo’ nito.

Ayon sa pahayag ng inilabas ng DWSD, hindi magandang gawing katatawanan sa publiko ang pagiging ampon kahit pa idinaan ito sa biro.

“The Department strongly condemns statements, which are offensive, insensitive, and stimulate social stigma to adoptees by any individual, private or public institution, and organization. The words ‘ampon ka’ is discriminatory and has negative connotation,” wika ni DSWD Acting Secretary Virginia Orogo.

Nag-ugat ang kontrobersiya sa isang palitan ng biro sa segment na “Purokatatawanan” ng It’s Showtime noong nakaraang Huwebes, ika-7 ng Hunyo.

Sa nabanggit na segment, tinanong ni Erin Ocampo, miyembro ng GirlTrends, si Hashtags member Jimboy Martin: “Paano gumawa ng pangit na anak?”

Bilang sagot, pabiro ring sinabi ni Martin kay Ocampo: “Bakit hindi mo tanong sa nanay mo?”

Subalit, may buwelta pa rin si Ocampo na: “Mali. Tanong mo sa totoo mong magulang kasi ampon ka!”

Image capture of tweet by NORFIL Foundation

Ang huling banat ang hindi ikinatuwa maging ng mga nanonood at netizens.

Dahil dito, napilitang mag-issue ng public apology ang host ng It’s Showtime na si Amy Perez, at inaming hindi nga katanggap-tanggap ang ginawang biro ni Ocampo.

“Magtiwala po kayo na mas lalo po kaming magiging maingat, responsable, at sensitibo sa aming mga salita para sa kasiyahan po ng lahat. Muli, amin pong paumanhin sa lahat at mahal po namin kayo, Madlang People. Maraming salamat po,” ani Amy.

Ganunpaman, sinabi ni Orogo na bilang ahensiya na nangangasiwa sa proteksiyon ng mga karapatan at kapakanan ng mga bata, ang pag-ampon umano ay itinuturing nilang pagtulong sa mga paslit na inabandona at pinabayaan ng kanilang magulang kaya hindi dapat ito gawing katawa-tawa.

“Even if the statement was delivered in a manner of joke and/or for entertainment purpose, the show and the network ha​ve the full responsibility over it,” dagdag pa ng kalihim.

Loading...