Chef Erwan, ibabalik ang talent fee na natanggap sa “Buhay Carinderia” project

Imahe mula sa video ni Erwan Heussaff via Instagram

Ang celebrity chef na si Erwan Heussaff ay nagdesisyon na ibalik ang natanggap na talent fee bilang program ambassador at content creator ng “Buhay Carinderia Redefined” project ng Department of Tourism (DOT) sa pangunguna ng Tourism Promotions Board (TPB).

Ayon sa ulat ng LionhearTV, kinumpirma umano ni Erwan, na kilala bilang kabiyak ng pamosong aktres na si Anne Curtis, ang sinabi ni DOT Secretary Bernadette Romulo-Puyat na isasauli nito ang natanggap na mahigit isang milyong pisong talent fee para sa naturang proyekto na nauna nang ipinatigil ng ahensya dahil sa kontrobersya.

Erwan at Anne (Imahe mula sa Instagram account ni Erwan)

Sa isang panayam, sinabi ng kalihim ng DOT na maliit na bagay lang para kay Erwan ang gagawing pagsasauli ng talent fee dahil ang nais lang daw nito ay makatulong sa pag-promote ng bansa at mga pagkain nito.

“Kasi gusto lang naman niyang tumulong sa bayan. Babalik na lang daw niya ‘yung pera. Wala naman sa kanya ‘yun. Ang kay Erwan is gusto lang niya i-promote and Pilipinas at ang ating pagkain,” ani Sec. Puyat.

Chef Erwan (Imahe mula sa Instagram account ni Erwan)

Ang “Buhay Carinderia Redefined” project ay ipinatigil dahil sa kawalan ng bidding process. Nakapagbigay na ng milyon-milyong piso ang TPB sa project proponents bago iyon naipatigil. Bunsod ng kontrobersya ay nagbitiw sa kanyang posisyon si Cesar Montano bilang pinuno ng TPB.

Loading...