Chinese Coast Guard na nangdelihensiya sa mga mangingisdang Pinoy, ipakakain sa isda

Imahe mula sa PNA

Hindi kinukunsinti ng China ang maling gawain ng kanilang Coast Guard.

Ito ang mensahe ni Chinese Ambassador sa Pilipinas na si Zhao Jianhua nang sabihin niya nang may katiyakan na kung sakaling mapatunayan ang ipinaparatang sa Chinese Coast Guard ay parurusahan ang  mga ito.

Matatandaang napaulat na nagreklamo ang mga Pilipinong mangingisda na kinukuha umano ng mga miyembro ng Chinese Coast Guard ang huli nilang isda sa Scarborough Shoal.

Sa ulat ng Bombo Radyo, tiniyak umano ni Ambassador Jianhua na didisiplinahin at papatawan ng parusang naaayon sa kanilang patakaran ang Chinese Coast Guards na diumano ay sangkot sa insidente kung mapatutunayang totoo ang ibinibintang laban sa kanila.

China Coast Guard (Imahe mula sa video ng ABS-CBN)

Aniya, iniimbestigahan na ng pamahalaan ng China ang reklamo.

Sabi pa ni Jianhua, normal daw na kahit sa isang maayos na pamilya ay mayroong “bad apples.”  At kung may “bad apples” daw ang China ay may gusto siyang gawin sa mga iyon. Kung siya raw ang masusunod ay ipatatapon niya sa South China Sea ang mga mapatutunayang nagkasala at ipakakain sa mga isda.

Pinawi ni Jianhua ang pangamba ng mga Pilipinong mangingisda sa posibilidad na lumala ang sitwasyon sa Scarborough Shoal dahil sa insidente.

Ang mga Pilipinong mangingisda ay malaya umanong makapangisda sa nasabing lugar tulad ng nauna nang napagkasunduan nina Pangulong Rodrigo Duterte at Chinese President Xi Jinping.

Source :

Bombo Radyo, Philstar, SMNI

Loading...