DFA, nagbukas ng 100,000 passport appointment slots

Imahe mula sa Out of Town Blog

Nagbukas ng 100,000 appointment slots para sa passport application ang Department of Foreign Affairs (DFA), 50,000 sa mga slots ay binuksan eksaktong alas-nuwebe ng gabi noong Huwebes, ika-14 ng Hunyo.

Nangako pa ang DFA na magdaragdag ng 10,000 appointment slots araw-araw, Lunes hanggang Biyernes, maliban na lang tuwing holidays.

Ayon sa artikulo ng MSN, sinabi umano ni DFA Secretary Alan Peter Cayetano na nagbukas ang ahensya ng maraming bagong slots dahil sa kakulangan ng passport appointment slots bunsod ng mataas na demand.

DFA Sec. Alan Peter Cayetano (Imahe mula sa DFA)

Ang mga aplikante ay maaari na ring magbayad ng processing fee para sa new passport application o passport renewal gamit ang DFA ePayment Portal na matatagpuan sa mga piling payment centers sa buong bansa: Bayad Center, EcPay, Pera Hub, Robinsons Business Center and Department Store, Walter Mart Department Store, 7-Eleven, USCC Western Union, at Villarica Pawnshop.

Mananatiling P950 ang bayad para sa regular processing at P1,200 naman sa expedited processing. Ang mga payment centers naman ay maniningil ng karagdagang P50 bilang convenience fee.

Ani Cayetano, ang pagbabayad sa payment centers ay konbinyente para sa mga aplikante at kasabay niyon ay mama-maximize umano ang kapasidad ng mga consular offices.

Sa ngayon ang ePayment Portal ay bukas lang sa mga aplikasyon na isinumite sa DFA Aseana Consular Office simula buwan ng Hunyo at bubuksan ito sa buong Metro Manila simula sa buwan ng Hulyo at sa Agosto naman ay magiging available ito sa buong bansa.

Loading...