Drone-powered payong na panangga sa init, naimbento sa Japan

Imahe mula sa video ng Japan Today

Isang Japanese company ang nakagawa ng isang payong na drone-powered na kayang lumutang sa ibabaw ng ulo ng isang tao bilang proteksyon sa init.

Ayon sa ulat ng Japan Times, ang drone-powered sunshade na na-develop ng Asahi Power Service ay inaasahang mare-release sa susunod na taon at target nito ang mga taong nangangailangan ng pananggalang sa init na hindi na kailangang hawakan pa – gaya ng mga mahihilig sa larong golf.

Sinabi ni Kenji Suzuki, president ng Asahi Power Service, na inimbento niya ang drone-powered umbrella para sa mga taong ayaw humawak ng payong.

Sa ngayon ang nasabing imbensyon ay tumitimbang ng limang kilo at kaya lang lumipad ng hanggang limang minuto lang.

Inaasahan ng kumpanya na mapapalawig nila ang flying time ng drone-powered umbrella ng hanggang 20 minuto kapag napagaan nila ang timbang niyon.

Drone-powered payong (Imahe kuha sa video ng Japan Today)

May camera na nakakabit sa drone na nakatutulong upang masundan nito ang may-ari at manatiling lumilipad sa ibabaw ng ulo nito at hindi sa ulo ng ibang tao.

Sa ngayon daw ay hindi waterproof ang device, subalit sa bandang huli ay layunin nilang gawin iyon na isang tunay na lumilipad na payong na maaaring pananggalang sa ulan.

Loading...