Kooperatibang pinapasukan, inireklamo; kaltas sa sahod hindi nai-remit sa SSS, PAG-IBIG at PhilHealth

Image capture of video by ABS-CBN News via YouTube account

Ikinakaltas sa sahod ng mga empleyado ngunit hindi naihuhulog sa mga ahensya ng pamahalaan?

Inireklamo ng dalawang empleyado ang kooperatibang pinapasukan nila sa Pasig City dahil kinakaltasan umano ang kanilang sahod ngunit hindi naibabayad sa Security System (SSS), Pag-IBIG Fund at PhilHealth.

Hinaing ni Karessa Laureano sa Cooperative On Outsourcing Requirements Services (COORS), nawawala raw ang kanyang naihulog noong 2017 at walang aksyon ang kanyang reklamo.

Aniya: “Pasa-pasa at kung sino-sino na nakausap namin do’n, wala pa ring aksyon. Imagine ang naging hulog lang namin dalawang buwan sa 2018, nasa’n ‘yung 2017?”

Habang ikinagulat naman ni Louise Matilos na kulang ang ni-remit ng COORS para sa kanyang SSS, Pag-IBIG Fund at PhilHealth.

Wika niya: “Iyung benefits po namin hindi po siya updated. ‘Di talaga bayad. ‘Yung sa akin bayad ng three months, after that wala na. ‘Yung ibang kasama namin as in full year wala silang bayad.”

Dagdag pa nila, binabawasan din ng COORS ang kanilang sahod para sa “savings” na makukuha raw nila kapag nag-resign na sila sa trabaho.

Ang iba raw nilang kasama na matagal nang umalis sa kooperatiba ay wala pa ring nakukuhang “savings”, ayon sa ulat ng TV Patrol.

Ayon naman sa COORS, iniimbestigahan na raw nila ang mga naturang reklamo.

Pahayag ng COORS: “The board and the management of the Cooperative On Outsourcing Requirements Services is currently taking its internal investigations regarding this matter. We have already stopped the automatic deduction this year.”

Umamin din ang COORS na maaaring delayed ang bayad nila sa social benefits ng mga manggagawa at nangakong ihahabol nila ang hulog sa mga ahensya.

Dumulog naman ang “Tapat Na Po” sa Department of Labor and Employment (DOLE) para ilapit ang problema ng mga empleyado.

Paliwanag ng DOLE, bawal daw na hindi i-remit ang ikinaltas para sa social benefits ng mga manggagawa.

Ani Ma. Teresita Cucueco, opisyal ng DOLE, maaaring pumunta ang mga naturang empleyado sa regional office ng DOLE upang maghain ng reklamo.

Wika ni Cucueco: “Puwede sila pumunta sa regional office ng DOLE at mag-file ng complaint at agad-agad naman po ang DOLE ipatatawag ang kompanyang ito.”

Ipinangako rin ng DOLE na tutulungan nilang maibalik ang “savings” ng mga empleyado ngunit kailangan daw pumunta ang mga ito sa SSS, Pag-IBIG Fund at PhilHealth upang habulin ang ikinaltas sa kanilang sahod na hindi naihulog.

Kaugnay nito, natuklasan din ng DOLE na expired na ang registration ng COORS.

Ayon kay Cucueco: “Expired po ang registration nila. Naka-register sila sa amin February 17, 2015 [at] nag-expire noong February 16, 2018.”

Panoorin ang iba pang detalye sa video na ito mula sa ABS-CBN News:

I-click ang imahe upang mapanood ang video mula sa ABS-CBN
Loading...