[Video] Basurerong napagtapos ang anak sa kolehiyo, umantig sa maraming puso

Mga imahe mula sa YouTube video ng GMA Public Affairs

Hinangaan ng marami ang isang lalaki na sa kabila ng pagkakaroon ng maliit na kita bilang basurero ay nagawang mapagtapos sa kolehiyo ang kanyang anak.

Sa YouTube, ibinahagi ng GMA Public Affairs ang nakaantig na kuwento ni Jenny Rose Quimado at ng kanyang huwarang ama na si Cristito Quimado.

“Alas-tres pa lang ng umaga, namamasura na ang 51-anyos na si Tatay Cristito. Mahigit dalawang dekada na niya itong ginagawa hanggang sa nito lang Abril, napagtapos na niya ang anak sa kolehiyo! Maantig sa kanyang kuwento ng pagsusumikap at sakripisyo sa video na ito!” saad sa caption ng video na nakakuha na ng libu-libong views.

Masayang-masaya si Cristito na sa wakas ay nagkaroon na ng bunga ang lahat ng paghihirap niya sa pagbabasura, kung saan nakataya sa tuwina ang kanyang sariling kalusugan.

“Sa awa ng Diyos, isa na ang napatapos ko. Apat pa. Hanggang malakas ako, pipilitin kong makatapos sila. Iyong pag-aaral nila, hindi ko pinababayaan kasi iyon lang ang ano ko sa kanila, makatapos sila,” emosyonal na pahayag niya.

Imahe mula sa YouTube video ng GMA Public Affairs

Wala raw sa kanya kahit na napakahirap ng kalagayan niya sa trabaho niya. Ang mahalaga, kumikita siya rito ng P500 sa isang araw.

“Mahirap kasi nandiyan lahat. Masugatan ka kasi halo-halo iyong ano, mga bubog. Lahat ng klase ng ano kasi basura. Ginagawa ko lahat para sa pamilya ko,” wika niya.

Bagama’t kahit na anong sipag ay hindi rin nagiging sapat kung minsan ang kita ni Cristito.

“Mahirap kasi marami akong anak, e. Pero kahit mahirap kinakaya ko. Minsan nga, wala kaming makain, e,” naiiyak na sabi niya.

“Minsan po pumapasok ako na walang baon. Minsan po, kapag natutulog ako sa bahay ng classmate ko, sila na lang po nagpapahiram ng pera sa akin,” naluluha namang kuwento ni Jenny.

Sa ngayon, ang kanyang pamilya ang lakas ni Cristito. Masayang-masaya siya na kailanman ay hindi ikinahiya, at bagkus ay ikinararangal pa ng kanya anak ang trabaho niya.

“‘Pag tinatanong, ‘Ano’ng trabaho ng tatay mo?’ (Ang isasagot niya ay,) ‘Basurero.’ Hindi siya nahihiya,” aniya.

Sa kabila ng lahat, naniniwala ang dalaga na makapagtatapos din ang kanyang mga kapatid.

“Proud ako kasi napagtapos niya ako sa pagbabasura niya and alam kong mapapagtapos niya rin ang mga kapatid ko,” wika niya.

“Nagpapasalamat po ako sa Diyos kasi siya iyong naging tatay ko. Kasi hindi naman po masama iyong trabaho niya at marangal po siya, kahit maliit po iyong kinikita niya, at least, wala po siyang ginagawang masama,” dagdag pa niya.

Imahe mula sa YouTube video ng GMA Public Affairs

Narito ang buong dokyu tungkol sa mag-ama: