Viral Grab driver na tumulong sa mga stranded na pasahero pinuri ni Pang. Duterte

Imahe mula sa Facebook page ng PCOO

Ipinatawag ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kahanga-hangang Grab driver  na nagpapasakay ng libre sa mga pasaherong na-stranded sa kalsada.

Ayon sa artikulo ng Abante TNT, nakarating sa kaalaman ni Pangulong Duterte ang ginagawang kabutihan ng Grab driver na kinilalang si Romualdo Alabarca kaya’t pinatawag niya ito sa Malacañang upang personal na mapasalamatan.

Tinanggap ng Pangulo si Alabarca kasama ang pamilya nito sa Palasyo at pinapurihan sa ipinakita nitong kahandaan sa pagtulong sa kapwa nang hindi nag-iisip ng anumang kapalit.

Anang Pangulong Duterte, isa umanong huwaran si Alabarca na dapat pamarisan ng iba pang mga driver.

Walang nabanggit kung binigyan ni Pangulong Duterte si Alabarca ng pabuya dahil sa kabutihan nito, pero si Special Assistant to the President Bong Go ay nagbigay ng mobile phone kay Albarca at sa anak nito.

Grab driver at pamilya kasama si Pang. Duterte at SAP Bong Go (Imahe mula sa Facebook page ng PCOO)

Ang kuwento ng 63-anyos na si Albarca ay nag-viral sa social media dahil sa taglay niyang kabutihan. Sa tuwing tapos na siyang mamasada at pauwi na ay isinasakay niya nang libre ang kahit sinong madaanan na walang masakyan.

Sa isang panayam sa kanya, sinabi ni Alabarca na itinuturing miyang malaking achievement ang gingawang pagtulong sa kapwa. Aniya, sapat na ang pasasalamat upang sumaya siya.

‘Yung magpasalamat lang…masaya na ako nun,” ani Alabarca.