128 Pinoy na amnesty beneficiary sa UAE, nakauwi na sa Pilipinas

Image from DFA

MAYNILA, Pilipinas – Lumapag na sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) nitong Miyerkules, ika-29 ng Agosto, ang eroplanong sinasakyan ng mahigit 100 Filipino na nakauwi sa bansa matapos maaprubahan ang kanilang amnesty sa United Arab Emirates (UAE).

Umabot sa 129 ang bilang nga mga Pinoy na nakabalik na sa bansa lulan ng Philippine Airlines flight PR657 bandang 8:40 ng umaga. Sila ang pangalawang batch ng amnesty beneficiaries na nakauwi na sa Pilipinas.

Karamihan sa kanila ay nagmula sa Abu Dhabi at Al Ain at pinalad na maaprubahan ang aplikasyon sa amnesty program na inialok ng UAE mula Agosto 1 at magtatagal hanggang Oktubre.

Image from DFA

Dahil dito umabot na sa 345 ang kabuuang bilang ng mga Pinoy na nabigyan ng amnesty at nakabalik sa Pilipinas. Ang unang batch na umabot sa 216 ay lahat nagmula sa Dubai at dumating sa bansa noong Agosto 16.

“This is the first mass repatriation of amnesty-seekers carried out by the Philippine Embassy in Abu Dhabi since the amnesty started on August 1,” ani Von Ryan G. Pangwi; third secretary at vice-consul ng Philippine Embassy sa Abu Dhabi, sa panayam ng Gulf News.

Ayon pa kay Pangwi, umabot na sa mahigit 2,000 Pinoy ang nag-apply ng amnesty at ginagawa nila ang lahat para maaprubahan ang kanilang dokumento. Karamihan umano sa mga ito ay mga overstaying.

Image from DFA

Ganunpaman, mahigit sa 90 porsiyento ng mga amnesty seekers sa Abu Dhabi ay gusto pa ring manatili sa UAE upang maghanap ng trabaho sa loob ng anim na buwan.

Ang Department of Foreign Affairs (DFA) ang sumagot sa mga immigration fees at plane tickets ng umuwing mga Pinoy.

Bukod dito, nakatanggap din sila ng $100 (P5,000) mula sa DFA bilang tulong pinansiyal.