Driver, sinundan nang paatras ng kanyang sasakyan?

Imahe mula sa video ni Bryan Fer Mania via Facebook post

Nagdulot ng nerbiyos sa may-ari ng isang sasakyan ang isang pangyayari kung saan ay tila sinundan siya ng kanyang Pajero sa kanyang pinuntahan.

Makikita sa video na ipinadala ni YouScooper Bryan Fer Mania sa GMA Network ang buong pangyayari. Ito ay nauna niyang ipinost sa kanyang social media account na may caption na:

“SUA IS REAL. Sudden Unintended Atras  @FTM Goodies Bakeshoppe Bayombong, Nueva Vizcaya”

Sa unang video ay mapapansing bumaba ang may-ari ng sasakyan at tumawid patungo sa isang bakery sa Bayombong, Nueva Vizcaya. Makikita na pagkalipas lamang ng ilang sandali ay umaatras na ang sasakyan at paliko pa itong umatras patungo sa FTM Goodies Bakeshoppe na pinuntahan ng may-ari.

Imahe mula sa video ni Bryan Fer Mania via Facebook post

Himalang walang nahagip na ibang motorista o naglalakad na tao sa paligid; na tila may driver ang sasakyan at nakaiwas sa ibang motorista.

Sa pangalawang video na ibinahagi rin ni Bryan Fer Mania sa kanyang social media account ay makikita na  na tinangka pang pigilan ng driver ang pag-atras ng kanyang sasakyan upang hindi tumuloy sa mga istante ng bakery. Isang delikadong hakbang ngunit salamat na lamang at dahil sa bangketa ay napatigil na ang sasakyan sa patuloy na pag-atras.

Imahe mula sa video ni Bryan Fer Mania via Facebook post

Kaya naman si Mania ay nag-iwan din ng paalala sa mga motorista; na maging mas maingat upang makaiwas sa disgrasya.

Bumuhos din ang komento sa mga naturang video. May naaliw sapagkat tila “loyal” ang sasakyan at ninais pang sundan si kuyang driver sa bakery at mayroong mga nagbigay ng paalala hinggil sa tamang pagpaparada ng sasakyan.

“Sa dami ng puwedeng atrasan ng sasakyan isipin mo. Sinundan ang driver, ‘di daw kasi niya nasabi papabili niyang tinapay. Buti pa si kuya at sasakyan niya may forever, ang cute lang na nakakatakot hahaha”

“Susubukan niya pigilan. loko to si manong driver. haha.. buti na lang naka kalang sa sidewalk kundi eh dederetso sa bakery basag yung salamin. lesson learned gumamit ng hand brake at wag aasa lang sa park mode ng kambyo kung naka automatic transmission ka. at kung manual naman wag ka aasa sa neutral. always laging gamitin ang hand brake lever pag mag papark kahit saan saglit ka lang or matagal.”

“Sa katakawan mo kuya halos makadisgrasya ka pa. Dapat naka hand brake at naka park SA maayos na lugar ang sasakyan mo. Disaster Ka!”

Panoorin ang video na hatid ng Youscooper:

 

 

Loading...