Kadamay sumugod sa mga pabahay sa Bacolod City

Image capture of video by Rico Gantalao via Facebook post

Tinatayang mahigit 1,000 miyembro ng Kadamay, isang urban poor group, ang sumugod sa isang housing site na nakalaan para sa mga kapulisan at kasundaluhan sa Barangay Felisa sa lungsod ng Bacolod nitong araw ng Huwebes.

Ayon sa ulat ng ABS CBN, ang grupo ay may ilang batang kasama at may bitbit din silang mga gamit at damit ngunit wala umanong balak ang grupo na puwersahang pasukin ang mga kabahayan doon.

Ang layunin lamang umano nila ay mahikayat sa isang dayalogo ang National Housing Authority (NHA), saad ni Kadamay-Negros Secretary General Berlita Ante.

Ang ginawa umano ng grupo ay dahil sa kanilang saloobin na marami nang taon ang lumipas na nakatiwangwang pa rin ang nasa 1,500 na pabahay sa Barangay Felisa (mula 2013) at matagal na nilang hinihiling sa NHA na ipagkaloob na lamang sa kanila ang mga pabahay na nabanggit.

Imahe mula sa Facebook post ni Christian Tuayon

Upang mapanatili ang kapayapaan ay nagtalaga na ng mga pulis sa naturang lugar lalo pa’t walang balak lumisan ang grupo na nagsipagtayo na ng makeshift tents hangga’t hindi umano sila hinaharap ng mga opisyal ng NHA, at pati na rin ng Philippine National Police (PNP) at ng Armed Forces of the Philippines (AFP) hinggil sa kanilang ipinapakiusap. Naglabas kasi ng resolusyon ang Sangguniang Panlungsod nitong Hulyo na nag-eendorso umano ng pamamahagi ng mga nasabing pabahay sa grupo.

Kalaunan, hinarap ang mga informal settlers ng mga lokal na opisyal ng NHA sa pangunguna ni Bacolod office project manager Alejandro Ongsuco; na sinamahan rin ng ilang mga namumuno sa ibang grupo doon.

Ayon sa NHA,ang mga unit ng pabahay ay nai-award na sa mga PNP at AFP personnel at naghihintay lamang na makabitan ng linya ng tubig at kuryente. Ang bawat unit ay binabayaran umano ng mga ito ng P200 kada buwan sa loob ng 25 taon.

Inihayag ni Ongsuco na sila ay nakapag-set na ng pulong sa mga opisyal ng PNP at AFP sa ika-7 ng Setyembre upang makabuo ng solusyon.

Matatandaan rin na nitong Hunyo ay may kahalintulad na pangyayari kung saan ay inokupa ng Kadamay ang mga pabahay sa Rodriguez, Rizal at gayun din sa Pandi, Bulacan noong Marso ng nakaraang taon.

Ipinakita ng Radyo Bandera Sweet FM Bacolod ang kaganapan sa pamamagitan ng Facebook live video:

I-click ang imahe upang mapanood ang video na ibinahagi ng Radyo Bandera Sweet FM Bacolod sa Facebook