Pasahero huli sa ‘bomb joke’ sa NAIA

Image from Aviation Updates Philippines

MAYNILA, Pilipinas – Sa kabila ng patuloy na paalala ng mga awtoridad, isa na namang pasahero ang naaresto sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) matapos nitong magbitiw ng ‘bomb joke’ habang papasakay ng kanyang flight.

Ayon sa pahayag ng Civil Aviation Authority of the Philippines o CAAP, isang lalaking pasahero ng Philippine Airlines (PAL) flight patungong Cotabato City ang  naaresto matapos magbiro sa flight crew tungkol sa bomba.

Kaagad namang ini-report ng crew ang insidente na nauwi sa pagkakaaresto sa pasaherong nakilalang si Saidona Singgon.

Base sa ulat ng Inquirer, nagpakilala si Singgon na empleyado ng DOTr-CAAP, subalit mariin itong pinabulaaan ng ahensiya. Napag-alaman matapos ang pagsasaliksik na si Singgon ay sa Department of Transporation and Communication (DOTC) ng ARMM; isang autonomous na ahensiya.

Image from Pnp Avsegroup Facebook page

Kaagad namang humingi ng paumanhin ang PAL dahil sa pagkakaantala ng kanilang flight sanhi ng insidente.

“PAL apologizes for the inconvenience to the rest of the passengers, who had to disembark so that authorities could inspect the aircraft thoroughly,” wika ng PAL sa isang pahayag.

Mahigpit na pinaalalahanan ng CAAP at PAL ang publiko na isang criminal offense ang pagbibitiw ng bomb joke sa mga paliparan at kahit na sa mga pampublikong lugar.

Ito ay may kaakibat na parusang multa na aabot sa P40,000 at pagkakakulong na hindi bababa sa 5 taon, depende sa magiging hatol ng korte.