Patricia Javier, muling susubukan ang beauty pageant

Image from Patricia Javier's Facebook account

MAYNILA, Pilipinas – Muling sasabak sa beauty pageant ang magandang aktres na si Patricia Javier makaraan ang halos 20 taon.

Si Patricia, o Genesis Canlapan sa tunay na buhay, ay nakilala noon bilang isa sa mga kandidato sa 1998 Binibining Pilipinas beauty contest. Bagama’t hindi pinalad na manalo, nagbukas naman ito ng pinto kay Patricia para pasukin ang showbiz.

Kamakailan lamang ay inihayag ng Mrs Universe Philippines Finest Woman pageant organizer na napili si Patricia bilang isa sa mga kandidata nito.

Image from Patricia Javier’s Facebook account

Ayon sa dating sexy actress, suportado ng kanyang mister na si Dr. Rob Walcher ang kanyang desisyon na sumali sa pageant lalo pa’t hindi naman ito tungkol sa pagandahan lamang kundi may kaugnayan din sa “health and wellness advocacy” nilang mag-asawa.

“Here, hindi lang pinaglalabanan ‘yung beauty and sexy, it’s more of advocacy. Ako it’s more on health and wellness,” wika ni Patricia sa panayam ng “Umagang Kay Ganda” kamakailan.

Sa kasalukuyan ay umiikot na sina Patricia kasama ang iba pang kandidata sa iba’t-ibang programa sa telebisyon upang i-promote ang pageant.

Ang coronation night ay gaganapin sa darating na ika-8 ng Setyembre sa Newport Performing Arts Theater sa Resorts World Manila lungsod ng Pasay.

Loading...