2 attack helicopter na ipinangako ng Jordan, ibibigay na

Image capture from video by PCOO via Facebook

MAYNILA, Pilipinas – Nakatakda nang matanggap ng Pilipinas ang dalawang attack helicopter na noon ay ipinangako ng bansang Jordan kay Pangulong Rodrigo Duterte; ito ang ibinahagi ni Special Assistant to the President Christopher ‘Bong’ Go.

Ayon kay Go, ang pagbigay ng dalawang helicopter ay isa sa napag-usapan sa bilateral meeting sa pagitan ni Duterte at ng hari ng Jordan na si Jordan King Abdullah II.

Posible umanong dumating sa Pilipinas ang dalawang sasakyang panghimpapawid sa Hulyo sa susunod na taon matapos ang training ng mga pilotong Pilipino.

“Other items will also be included like mortars, rifles (and RPG or rocket-propelled grenades),” wika ni Go sa isang text message sa mga mamamahayag.

Image capture from video by PCOO via Facebook

Ang mga nasabing gamit ay inaasahang lalo pang magpapalakas sa sandatahang lakas ng Pilipinas na sa kasalukuyan ay nagbabalak ding bumili ng iba pang makabagong sandata mula sa Russia.

Magugunitang dati na itong naipangako ng Jordan subalit sa hindi malamang kadahilanan ay naantala. Ang tinitingnang dahilan nito ay ang pagbatikos ni Duterte kay dating United Nations High Commissioner for human rights Zeid Ra’ad al Hussein na pinsan ng kasalukuyang hari ng Jordan.

Si Zeid ay kritiko ng war on drugs ni Pangulong Duterte na sinabihan niyang kailangang magpatingin sa isang psychiatrist.

Binuweltahan naman ni Duterte si Zeid na tinawag niyang ‘walang laman ang ulo’.

Image capture from video by PCOO via Facebook

Nauna nang pinaalalahanan ni National Security Adviser Hermogenes Esperon, Jr. si Duterte na tigilan ang pambabatikos kay Zeid dahil maaaring maapektuhan ang plano ng Jordan na pagbibigay ng na naturang helicopter.

Si Duterte ay kasalukuyang nasa Jordan matapos ang 4 na araw na state visit sa Israel.

Maliban sa idodonate na helicopter, pumirma rin ang dalawang bansa ng kasunduan hinggil sa mga OFWs, mga investment at iba pang may kinalaman sa ugnayang diplomatiko.

 

Loading...