23-anyos na gumawa ng “In My Feelings” challenge sa EDSA, nag-public apology na

Image capture of video by GMA News via YouTube

Matapos kumalat ang video ng isang babae na bumaba ng sasakyan at sumayaw sa harap ng kotse sa ibabaw ng Kamuning flyover sa Quezon City, naglabas ng panawagan ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na lumantad na ang mga taong sangkot sa video.

Ang babae na nagsagawa ng “In My Feelings” dance challenge ay sinabihan ni MMDA general manager Jojo Garcia na: “Magpunta ka rito, humingi ka ng paumanhin. Sabihin mo sa buong madla na huwag kang gayahin,”

Damay rin ang nagmamanehong kasamahan ng babaeng nagsayaw na siya namang kumuha ng video. Ito umano ay naganap noong ika-1 ng Agosto bandang alas onse ng umaga.

Ayon sa GMA News ay labis na na-bash ang mga sangkot at kapag natunton na ang mga ito sila’y pananagutin sa kasong jaywalking obstruction at reckless driving naman sa driver.

Nitong Biyernes ay nagpatulong sa GMA News ang babaeng sangkot sa challenge at nagpasama sa MMDA upang humingi ng tawad at mag-public apology na rin.

Image capture of video by GMA News via YouTube

Aniya: “Gusto ko lang pong humingi ng paumanhin sa mga naabalang motorista nu’ng ako po ay bumaba ng sasakyan ng aking kaibigan para sa ‘In My Feelings’ challenge. Ako po at aking mga kaibigan ay handa pong bayaran ang violations na dapat bayaran.”

“Umaasa po kami na ang public apology ko po ay makakatulong para humupa ang isyung ito. Hindi naman po kami masasamang tao. Thank you and I am very sorry.”

Matatandaan na bago pa man nangyari ito ay ipinagbawal na ng MMDA ang dance challenge pagkat ito umano ay mapanganib at nakaaabala pa sa trapiko.

Harinawa’y maging aral ito sa mga tao, lalo na sa mga kabataan, na hindi lahat ng challenge ay nakatutuwa.

Narito ang video ng Balitanghali para sa karagdagang ulat:

Loading...