Ahas nakita ng shopper na nakapulupot sa kanyang shopping cart

Imahe mula kay Laura Walitsky

Nagulantang ang isang mag-ina na namimili ng mga groceries sa isang supermarket sa New York nang makita nilang may isang ahas na nakapulupot sa ilalim na bahagi ng kanilang shopping cart.

Ayon sa Fox7, si Laura Walitsky at ang kanyang disisais anyos na anak na babaeng si Ally Rose ay nagtungo sa Wegmans supermarket sa Monroe Avenue, Pittsford sa New York noong Lunes ng gabi, ika-27 ng Agosto, upang bumili ng mga groceries nang mamataan nila ang nasabing ahas sa ilalim ng shopping cart na gamit nila.

Wegmans (Imahe kuha sa video ng WHEC)

Ani Laura Walitsky, nasorpresa sila pero hindi naman natakot.

“It is obviously not something you expect to see on a shopping cart. We didn’t know what type of snake it was but recognized it wasn’t poisonous,” ani Walitsky sa panayam sa kanya.

Matapos kunan ng litrato ang ahas ay agad na itinulak ng mag-ina ang shopping cart palabas ng supermarket habang sinisigurado na nakapulupot pa rin doon ang ahas.

Ani Walitsky, ayaw naman niyang may masamang mangyari sa ahas dahil wala naman iyong ginagambala.

Laura Walitsky at ang assistant curator ng Seneca Park Zoo na si John Adamski (Imahe capture ng video ng WHEC)

Dalawang empleyado ng Wegmans ang tumulong sa mag-ina upang mailabas ang shopping cart sa supermarket. Pinakawalan nila ang ahas sa madamong bahagi sa likod ng gusali.

Batay sa larawang kuha ni Walitsky, sinabi ni John Adamski, assistant curator ng Seneca Park Zoo, na ang ahas ay isang milksnake; isang  uri ng ahas na hindi makamandag at walang dalang panganib sa mga tao.

Source :

Fox7, WHEC, WRIC

Loading...