‘Application for amnesty’ ni Trillanes, hinahanap pa rin ng DND

Image capture from ABS-CBN News video via YT

MAYNILA, Pilipinas – Hindi pa rin matagpuan ng Department of National Defense (DND) ang aplikasyon para sa amnestiya ni Senador Antonio Trillanes IV na nawawala umano sa kanilang records at patuloy pa ring hinahanap.

Nagpalabas ng proklamasyon si Pangulong Rodrigo Duterte na may petsang Agosto 31 na nagpapawalang-bisa sa amnestiya ng dating sundalo na ibinigay noon ni dating Pangulong Benigno ‘Noy’ Aquino III. Kasabay nito, iniutos din ang pag-aresto sa pinakamahigpit na kritiko ng administrasyong Duterte.

Ayon sa isang Defense official, maging sila ay nais ding makita ang sinasabing aplikasyon ni Trillanes.

Image capture from ABS-CBN News video via YT

“The application is not available at the moment but hinahanap na as part of his defense. We are more than welcome to see it,” wika ni  DND spokesperson Dir. Arsenio Andolong sa isang press briefing.

Sa utos na ipinalabas ng Malakanyang, iginiit nito na walang bisa ang amnestiya ni Trillanes ‘ab initio’ o sa simula pa lamang dahil hindi nito na-comply ang dalawang pangangailangan – ang personal na mag-apply ng amnestiya at aminin ang kanyang naging kasalanan.

Subalit ayon kay Trillanes, mayroon siyang aplikasyon na ipinasa sa DND at inamin niya rin sa publiko ang kanyang kasalanan.

Trillanes at Oakwood Mutiny| Image from DZRH News

Si Trillanes ay dating Navy officer at isa sa namuno noon sa 2003 Oakwood Mutiny at 2007 Manila Peninsula siege sa adminsitrasyon ni dating Pangulo at ngayon ay Speaker Gloria Macapagal-Arroyo.

Siya ay pinagkalooban ni dating Pangulong Aquino ng amnestiya noong 2010 sa bisa ng Proclamation No. 75 kasama ang iba pang sundalo ng Magdalo.

Ayon pa kay Andolong, hindi rin nila malaman kung bakit nawawala ng aplikasyon ni Trillanes na maaaring maging susi para suportahan ang kanyang argumento.

Trillanes at Manila Peninsula Siege| Image from Asian Policy

“We have not exhausted all efforts to find it. And as why they are missing we cannot answer that. We were not part of the process. We were not here at that time,” anang opisyal.

Sa kasalukuyan, mananatili muna si Trillanes sa gusali ng Senado habang pinaplano pa ang susunod na hakbang nito.

Loading...