P35K grocery allowance ng bawat House staff, aprubado na kay Speaker Arroyo

Image from Gloria Macapagal Arroyo, Beat the Odds Facebook page

MAYNILA, Pilipinas – Inaprubahan na ni Speaker Gloria Macapagal-Arroyo ang P35,000 na matatanggap ng bawat empleyado ng House of Representatives bilang ‘special grocery allowance’.

Sa kanyang talumpati nitong Lunes, ika-3 ng Setyembre, pinasalamatan ni Arroyo ang pagigng masipag ng mga empleyado sa Lower House na kanya umanong nakita kahit noon pang siya ay naka-hospital arrest.

Ayon sa Speaker, nakatanggap daw siya ng impormasyon na maraming empleyado ang nag-apply ng loan nitong nakaraang buwan ng Agosto dahil sa ‘taghirap’ months.

Image from Gloria Macapagal Arroyo, Beat the Odds Facebook page

Ang P35,000 na matatangap ng mga staff ay karagdagan sa P5,000 na ‘grocery and meal allowance’ na ipinamahagi na nitong nakaraang Agosto.

“Then last August, with the hard work of accounts [committee] chairman Yedda Romualdez, you received a grocery allowance of P5,000,” wika ng opisyal.

“This month, with even harder work of Congresswoman Yedda Romualdez, I have been able to authorize the release of P35,000,” dagdag pa nito.

Pinaalalahanan din ng dating pangulo ang mga empleyado sa kanyang ‘leadership and management style’ bilang bagong Speaker na wala umanong ipinagkaiba noong siya ay presidente pa.

Image from Gloria Macapagal Arroyo, Beat the Odds Facebook page

“The keywords are hard work, selectively hands-on – and you’ve seen that in regard to the priority legislative agenda of the President – strict but hopefully, fair and open-minded,” paliwanag nito.

Pinuri din ng kinatawan ng ika-2 Distrito ng Pampanga ang pagtanggap sa kanya ng mga empleyado bilang bagong pinuno ng Mababang Kapulungan dahil hindi umano nagpadala ang mga ito sa kontrobersiya.

Si Arroyo ay naluklok bilang pinakaunang babaeng Speaker of the House sa isang coup na nagpatalsik kay Pantaleon Alvarez noong Huly0 23 matapos ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte.