Patricia Javier, itinanghal bilang Mrs. Universe Philippines 2019 winner

Images by Sharmaine De Joya via Facebook post

MAYNILA, Pilipinas – Panalo ang dating seksi aktres na si Patricia Javier bilang bagong Mrs. Universe Philippines 2019 sa ginanap na coronation night nitong nagdaang Sabado, ika-8 ng Setyembre.

Muling sumabak sa beauty pageant si Patricia Javier, o Genesis Canlapan sa tunay na buhay, makaraan ang halos 20 taon.

Siya ay nakilala noon bilang isa sa mga kandidato sa 1998 Binibining Pilipinas beauty contest. Bagama’t hindi pinalad na manalo, nagbukas naman ito ng pinto kay Patricia para pasukin ang showbiz.

Image by Sharmaine De Joya via Facebook post

Ginanap ang coronation night sa Newport Performing Arts Theater sa Resorts World Manila sa lungsod ng Pasay.

Ang kaniyang evening gown ay dinisenyo ni Jojo Macapinlac habang ang kaniyang Filipiniana gown naman ay gawa ni actress-host Regine Tolentino.

Si Patricia, na mayroong 2 anak sa kaniyang mister na si Dr. Rob Walcher, ay magiging kinatawan ng Pilipinas sa Mrs. Universe competition na huling napanalunan ni Tram Hoang Luu ng Vietnam sa Durban, South Africa noong nakaraang taon.

Image by Maria Dang Cruz via Facebook post

Kung papalarin, si Patricia ang magiging kauna-unahang Pilipina na mag-uuwi ng korona mula sa kompetisyon na itinatag noong 2007 para sa mga may-asawang babae na mayroong adbokasiya.

Samantala, ang iba panga nanalo ay sina Lovely Gervacio-Tajan (Finest Woman International); Arlene Poyaoan-Galvez (Finest Woman World); Maria Estrella Zaldivar (Finest Woman Globe); at Johanna Beatriz Jacinto-Ticzon (Finest Woman Earth).

Image by Sharmaine De Joya via Facebook post
Loading...