Abandonado at lumang bahay sa Antipolo, nababalot ng kuwento at misteryo

  • Nababalot ng kuwento at misteryo ang isang abandonado at lumang bahay sa Antipolo
  • Naitayo umano ito noong panahon pa ng mga Espanyol at naging kuta naman ng mga Hapon
  • Panawagan ng netizens na sana raw ay gumawa ng hakbang ang lokal na pamahalaan ng Antipolo upang mapreserba ito

Uso na naman ang kuwentong katatakutan at kababalaghan dahil sa nalalapit na araw ng Undas. Isa sa mga bagay na kinatatayuan ng balahibo ng mga tao ang tungkol sa mga kuwento at misteryong bumabalot sa mga luma, matanda, at abandonadong bahay o kilala bilang “haunted house”.

Kaya naman, pinag–usapan sa Facebook page na “Antipolo Trivia For Today” ang kuwento at misteryong bumabalot sa abandonado at lumang bahay umano sa Antipolo na matatagpuan sa Sementeryo Sumulong Exit Corner Sto. Niño Street sa Barangay San Jose.

Ayon sa Facebook post, ang naturang bahay ay isa sa mga pinakalumang bahay sa Antipolo na naitayo noon pang panahon ng mga Espanyol sa Pilipinas. Sa panahon umano ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig o WWII, ginawa itong kuta ng mga Hapon. Marami umanong mga Antipolenyo (tawag sa mga taga–Antipolo) ang pinahirapan at pinaslang dito.

Imahe mula sa Facebook page na Antipolo Trivia For Today

Ginagawa umanong panakot ng matatanda sa mga batang ayaw matulog sa hapon ang mga multo at ligaw na kaluluwang nagpaparamdam sa naturang makasaysayang bahay. Mapapalingon daw ang sinumang taong mapapadaan sa harap ng abandonadong bahay na ito.

Umani naman ito ng reaksyon mula sa netizens. Panawagan nila, sana raw ay gumawa ng hakbang ang lokal na pamahalaan ng Antipolo upang mapreserba ito.

“Nagtataka ako dahil until now, bakit wala man lang nakatira or caretaker, sino kaya ang may–ari niyan… sana pagtuunan ng pansin at ipaayos para ma–preserve.”

“This type of structure needs to preserve. History is a colorful journey to where we at now.”

“Malimit kaming dumaan diyan. Noong bata pa ako hanggang sa nagbinata. Mayroong kiskisan ng palay malapit diyan noong bata pa ako. Wala pa naman akong nakikitang multo.”

Imahe mula sa Facebook page na Antipolo Trivia For Today

Dumaan ang ticycle na sinasakyan ko noon, nang nilingon ko may tao sa taas, nakaputi. Nang tinitigan ko nang husto, nakatingin sa akin. Grabe ang kaba ko noon, kaya hindi na ako sumusulyap diyan!” 

Sana nga ay maipreserba at maisaayos ang mga ganitong antigo at makasaysayang bahay, na imbes na katakutan, ay dapat pahalagahan dahil bahagi na sila ng kasaysayan.

Loading…