ADA Farm Agriventure na gumagamit ng mga sisiw para makahikayat ng investors, isa palang scam

  • Mga taong nasa likod ng ADA Farm Agriventures inireklamo ng mga investors sa NBI
  • Gumagamit ng sisiw ang ADA Farm Agriventures sa paghihikayat ng mga investors
  • Ang puhunan kada sisiw ay P50 at 80% umano ang tutubuin ng mga investors sa loob ng 60 days

Nagtungo sa tanggapan ng National Bureau of Investigation ang nasa 39 investors upang magsampa ng reklamo laban sa ADA Farm Agriventures dahil hindi ito tumupad sa pangakong malaking kita sa kanilang puhunan.

Imahe mula sa ADA Farm Agriventures

Sarado na rin ang opisina nito at hindi na mahagilap ang mga taong nasa likod ng kumpanya.

Ayon sa mga nagrereklamo, hinikayat sila ng nasabing kumpanya na mag-invest sa pamamagitan ng pagbili ng mga sisiw sa halagang P50 bawat isa. Sa loob ng dalawang buwan ay tutubo ang puhunan nila ng 80% .

Ang minimum investment ay P500 o sampung sisiw. Mas maraming sisiw na bibilhin, mas malaki ang kikitain sa loob lang ng maikling panahon.

Isa sa mga nagreklamo ang nagsabing nag-invest siya ng P300,000 para sa 6,000 na sisiw.

”Magaling magsalita, may mga props po na DTI (Department of Trade and Industry) permit, may mayor’s permit doon. Basta marami po silang permit sa office na ‘yun kaya hindi po kami nagdalawang isip,” sabi ng isa sa mga biktimang si Editha Golpio.

Sinasabi umano ng ADA Farm Agriventures na mayroon silang mga manukan o poultry farms sa Bulacan. Ang kumpanya umano ang nag-aalaga ng mga sisiw hanggang maibenta ang mga iyon.

Imahe mula sa ADA Farm Agriventures

Sa mga investors nanggagaling ang lahat ng panustos sa pagpapalaki ng mga sisiw. Ang kikitain sa benta ng mga manok ang ipamamahagi sa mga namuhunan.

Upang makahikayat ng maraming investors ay nag-upload pa ng isang video ang mga taong nasa likod ng scam kung saan ipinakita nilang mayroon silang bago at magagarang mga sasakyan at limpak-limpak na pera na kinita raw ng kanilang negosyo.

Nag-iisyu ng tseke ang ADA Farm Agriventures sa mga investors bilang garantiya raw na kapag hindi natupad ang pangakong kikitain sa loob ng dalawang buwan ay maaari nila iyong i-encash sa bangko, ngunit tatalbog lang iyon dahil walang pondo.

Screenshotm ula sa video ng GMA

Napag-alaman na wala ring poultry farm sa Bulacan na nakarehistro sa kumpanya.

Noon pang buwan ng Mayo ay nagbigay na ng babala sa publiko ang Securities and Exchange Commission laban sa pag-i-invest sa ADA Farm Agriventures. Hindi umano ito awtorisadong tumanggap ng investments.

Noong buwan ng Marso, isang video ang ginawa ni Xian Gaza, isang self-confessed scammer, kung saan isiniwalat niya na ang ADA Farm Agriventures ay isang scam. Ibinulgar din niya ang mga  pangalan ng mga sangkot sa panlololokong ito.

Panoorin ang video:

Loading…