Alyssa Valdez at Creamline Cool Smashers, nag-Halloween party sa kanilang volleyball training

  • Nag-costume party ang Creamline Cool Smashers sa gitna ng kanilang training
  • Nagsuot sila ng colorful sportswear na akala mo ay nasa 80s
  • Masaya naman ang fans sa good vibes na dala ng koponan mula sa Premier Volleyball League

Usong-uso ngayon ang mga costume party bilang pagdiriwang sa Halloween. Maraming mga celebrities at personalidad na rin ang nagpo-post ng kani-kanilang paandar sa mga costume party na dinadaluhan at ang ilan ay trending pa online.

Ngunit ang Phenom at volleyball superstar na si Alyssa Valdez at kanyang teammates sa Creamline Cool Smashers (CCS) ay abala sa paghahanda para sa finals ng Premier Volleyball League (PVL) sa Nobyembre 6. Pero hindi nagpatinag ang koponan at nakuha pa ring isingit ang Halloween costume party sa gitna ng training.

Larawan mula sa Instagram account ni Michele Gumabao

Ibinahagi ni Valdez sa kanyang Instagram account ang kanilang costume at training outfits na rin. Nakasuot kasi sila ng colorful sportswear na animo’y nasa 80s sila. Kumpleto ang CSS team na kinabibilangan ng beauty queen at host na si Michele Gumabao, setter na si Jia Morado, Melissa Gohing, Jia Morado, Fille Cainglet-Cayetano, at iba pang manlalaro.

Naka-costume din ang kanilang coaching staff na kumpleto rin mula sa headbands, shades, at makukulay na high socks. Kapansin-pansin namang ang kanilang coach mula sa Thailand na si Anusorn ‘Tai’ Bundit ay hindi naka-costume at nakasuot lamang ng Creamline shirt. Gayunman, nakiisa naman siya sa pictorial sa pamamagitan ng paghawak ng isang pumpkin.

Makulay man ang costume ng CCS sa kanilang training, sinabi naman ni Valdez sa post na kahit ‘masaya’ at good vibes lang ang kanilang suot, hindi naman pinatawad ni Coach Tai ang team sa matinding training.

Biro pa ni Valdez, ang kanilang Halloween party ay pinangatawanan daw talaga ni Coach Tai na ‘Araw Ng PaTai’ dahil sa doble-dobleng drills na ginawa sa kanilang pag-eensayo upang makuha ang kampeonato ng PVL.

Larawan mula sa Instagram account ni Alyssa Valdez

Puspusan kasi ang paghahanda ng CCS dahil muli nilang makakatapat ang tumalo sa kanila noong Reinforced Conference na Petro Gazz Angels. Kahit pa 16-0 ang win-loss record ng CSS, ayaw nilang magpakakampante lalo’t ganito ang naging eksena last conference.

Tuwang-tuwa naman ang CCS fans sa kakaibang Halloween party ng koponan. Ayon sa kanila, napaka-creative ng team na kahit abala sa pag-eensayo ay hindi pa rin nalilimutan ang mag-enjoy.

Loading…