Bus na biyaheng Bataan, nalamang naiwan ang konduktor nang nasa NLEX na

  • Naantala raw ang biyahe ng isang bus dahil naiwanan nito ang konduktor sa isang stop over
  • Nalaman lang daw nilang walang konduktor nang sabihin ng isang pasahero
  • Nakabalik naman daw ang konduktor na sumakay sa ibang bus papunta sa lokasyon ng bus na pinagseserbisyuhan

Ngayong mayroong long weekend sa bansa dahil sa holiday, maraming mga kababayan natin ang umuuwi sa kani-kanilang probinsya. Karamihan nga sa mga bus terminals ay siksikan na at ang mga biyahe ay fully-booked na.

Ngunit ang isang netizen ay mayroong nakatatawang kuwento mula sa kanyang naging biyahe. Patungo kasi sa Bataan ang sinasakyan niyang bus at nang makarating na sa North Luzon Expressway, napag-alamang naiwan pala ang konduktor nito kaya naantala ang biyahe nila.

Larawan mula sa Facebook post ni Roby Elean Lacsamana

Kuwento ni Roby Elean Lacsamana sa kanyang Facebook post, papunta raw siyang Mariveles, Bataan sakay ng Bataan Transit nang bigla na lamang huminto ang bus dahil naiwanan ang konduktor nito. Biro niya, pati raw konduktor ngayon ay naggo-gh0sting na.

Dahil maraming nagtatanong sa comment section ng post ni Lacsamana, dito niya ipinaliwanag kung ano ang nangyari. Ayon sa kanya, nang umalis daw sa terminal ang bus ay sakay pa nito ang konduktor. Nakapag-issue pa nga raw ito ng ticket pero ‘di pa naniningil.

Kaya lamang, bago pumasok sa NLEX, nagkaroon daw ng stop over ang bus bilang bahagi ng inspeksiyon ng bus company. Bumaba raw ang konduktor at hindi ito napansin ng matanda na raw na bus driver. Nalaman na lamang daw na walang konduktor ang bus nang makarating sa toll gate at sinabi ng isang pasahero na wala ang konduktor.

Gayunman, ilang minuto ang lumipas, nagbigay si Lacsamana ng update at masayang ibinalitang nakabalik na sa bus ang konduktor. Sumakay daw ito sa ibang bus at ibinaba na lamang sa kanilang lokasyon.

Larawan mula sa Facebook post ni Roby Elean Lacsamana

Balik sa normal ang operasyon ng kanilang bus at agad raw na naningil ang konduktor matapos makabalik sa bus. Pero paglalahad ni Lacsamana, hindi raw nagkikibuan ang konduktor at ang drayber sa kanilang muling pagkikita.

Maraming netizens naman ang na-good vibes sa kuwentong ito ni Lacsamana. Sa loob lamang ng apat na oras na naka-upload ang kanyang kuwento, umani na ito ng higit 9,400 reactions at 3,800 shares sa Facebook.

Loading…