DOH, nais ding patawan ng dagdag buwis ang mga maaalat na pagkain kabilang ang daing at tuyo

  • Matapos ang matatamis na inumin, balak naman ng DOH na lagyan ng tax ang maaalat na pagkain
  • Ito ay matapos lumabas sa pag-aaral ng UN at WHO na mataas ang pagkonsumo ng mga Pilipino ng asin
  • Maaapektuhan nito kapag naisabatas ang ilang paborito ng Pinoy tulad ng daing at tuyo

Nang maisabatas ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law, pinataas nito ang presyo ng mga matatamis na inumin, tulad ng juice, soft drink, tea, sports drink, at maging ang ilang flavored water. Dahil ito sa nadagdag na tax sa presyo ng mga nasabing inumin.

Ngayon naman, nais ng Department of Health (DOH) na patawan naman ng excise tax ang mga maalat na pagkain upang maiiwas ang publiko sa labis na pagkonsumo ng mga ito. Nakapagdadala raw kasi ng mga karamdaman ang pagkain ng maalat na pagkain, ayon sa ahensiya.

Larawan mula sa Flickr

Ayon sa isang pahayag ni DOH Secretary Francisco Duque III, kung naging mabisang paraan daw ang pagdadagdag ng tax sa ilang produkto para mabawasan ang pagkonsumo ng mga Pilipino, magiging mabisa rin umano ito sa maaalat o salty products na ibinebenta sa merkado.

“We’ve seen the positive effects on increasing taxes on sin products, the same strategy might work also for excessive consumption of salt. We did the same thing for taxing sugar sweetened beverages. So it might be the most effective way to go,” sabi ni Duque sa isang pahayag.

Naaalarma kasi ang DOH sa inilabas na ulat ng World Health Organization (WHO) at United Nations Interagency Task Force (UNIATF) na ang pagkonsumo ng maaalat na pagkain ang isa sa mga pangunahing dahilan ng pagkakaroon ng malubhang karamdaman ng mga Pilipino.

Ang paglaganap ng mga karamdaman sa puso at iba pang bahagi ng katawan ng tao ay hindi lamang banta sa buhay ng mga mamamayan kundi mayroon ding hindi magandang epekto sa ating ekonomiya.

Larawan mula sa Flickr

Lumabas din sa pag-aaral na dalawang beses na mas mataas ang nakokonsumo ng isang Pinoy na maaalat na pagkain, kompara sa inirekomendang dami ng WHO. Limang gramo lamang ng asin kada araw ang ligtas sa kalusugan, ayon sa WHO, subalit ayon sa pag-aaral, 11 grams ng asin ang nakokonsumo ng mga Pilipino.

Dagdag pa ng ahensiya, maaaring maapektuhan ng excise tax sa salty products ang mga chichirya, maging ang paboritong almusal at ulam ng masang Pilipino — ang tuyo at daing.

Loading…