Kolek, Kilo, Kita para sa Walastik na Maynila: Isang kilong plastic sachet kapalit ng Unilever products

  • “Kolek, Kilo, Kita para sa Walastik na Maynila” program inilunsad
  • Layon ng programa na mabawasan ang plastic waste problem ng lungsod
  • Sa ilalim ng programa, ang bawat kilo ng plastic sachet ay papalitan ng Unilever product na nagkakahalaga ng P10

Isa sa pinakamalaking sanhi ng krisis sa plastic pollution sa bansa ay ang single-use plastic sachet na ginagamit sa maraming produktong tinatangkilik ng mga Pilipino. Ang mga plastic sachet ay hindi nare-recycle kaya kalimitang nauuwi ang mga ito sa mga basurahan, kanal, ilog at karagatan.

Imahe mula sa Break Free from Plastic

Sa layuning mabawasan ang plastic sachet waste ay inilunsad ng Lungsod ng Maynila ang programang “Kolek, Kilo, Kita para sa Walastik na Maynila” sa pakikipagtulungan ng Unilever Philippines na ayon sa environment group Global Alliance for Incenerator Alternatives ay isa sa mga kumpanyang responsable sa paggamit ng single-use plastic sachet sa kanilang mga produkto.

Sa ilalim ng programa, na sabay na inilunsad sa Balut, Tondo at Punta, Sta. Ana, ay hinihikayat ang mga residente na tipunin ang mga “light plastic packaging” kagaya ng mga sachet ng shampoo, pabalat ng kendi at tsitsirya. Hindi kasama ang plastic bottles.

Ang bawat kilo ng mga plastic wastes na maiipon ay maaaring ipagpalit ng produkto ng Unilever na nagkakahalaga ng sampung piso katulad ng sabong panlaba, fabric softeners at shampoo.

“Lahat ng plastic sa mga bahay ay pwede nilang i-surrender na kikiluhin, tapos for every kilo merong corresponding na P10 worth na ibibigay sa kanila na products,” pahayag ni Manila Vice Mayor Maria Shiela “Honey” Lacuna.

Screenshot mula sa video ng PTV

Ang mga makokolektang plastic wastes ay dadalhin sa planta ng Republic Cement Services, Inc. kung saan gigilingin ang mga iyon upang magamit na panggatong sa paggawa ng semento.

“’Yan ay dadalhin sa planta namin ishe-shred at gagawin naming alternative fuel. Imbis na coal, ‘yan ang gagamitin namin,” sabi ni Renato Sunico, ang presidente ng Republic Cement.

Imahe mula sa PNA

Loading…