Lolo, sinurpresa ang kanyang asawa sa ika-75 kaarawan nito sa isang tree planting session sa bundok

Larawan mula sa Masungi Reserve
  • Isang lolo ang sinurpresa ang asawa niya ng tree planting session sa Baras, Rizal
  • Kahit daw matarik ang lugar na pinagtaniman ng dalawa ay magkasama pa rin nila itong hinarap
  • Maraming netizens naman ang humanga sa pagmamahalan nila

Hanap ng marami sa atin ang pag-ibig na forever. Kapag may nakikita tayong couples na tumatanda nang magkasama, ang nasasabi na lang ng marami sa atin ay ‘sana all.’ Pero isang mag-asawa ang minarkahan ang forever nila ng isang panghabambuhay na legasiya.

Sa Instagram post ng Masungi Georeserve na matatagpuan sa Baras, Rizal, isang lolo ang sinurpresa ang asawa niya ng isang tree planting session para sa kaarawan nito. Sa ika-75 kaarawan ni Ginang Teresa, inaya siya ng asawang si Jose na magtanim ng puno.

Larawan mula sa Masungi Reserve

Ayon sa post, kahit umano matarik ang bundok kung saan magtatanim ng puno ang mag-asawa, ay matagumpay nila itong naakyat nang magkasama. Pinatunayan ng dalawa na ang pagmamahal nila ay kaya ring magbunga ng maganda para sa kalikasan.

“Last Sunday, Jose Jr. surprised his wife Teresa with a tree planting activity for her 75th birthday. Despite the uphill climb, the couple successfully reached the top of the mountain, and proceeded with tree planting and nurturing,” bungad ng post ng Masungi Georeserve.

Dagdag pa ng post ng page, isang magandang halimbawa daw sina Lolo Jose at Lola Teresa na walang pinipiling edad ang paggawa ng mabuti para sa ating Inang Kalikasan. Mas nakahahanga pa raw sila dahil mas pinili nilang mag-iwan ng makabuluhang ambag kaysa gumawa ng magagarbong pagdiriwang.

“They celebrated Teresa’s birthday by leaving a lasting legacy. Moments like this show that anyone, no matter what age, can contribute to the movement to restore our forests,” pagpapatuloy ng Instagram post.

Larawan mula sa Masungi Reserve

Pinasalamatan naman ng Masungi Georeserve ang mag-asawa para sa ginawang pagtatanim kahit ma-edad na sila. Ang mga netizens naman, hindi maiwasan ang humanga sa dedikasyon ng mag-asawa. Ayon sa ilan, relationship goals daw talaga sila dahil maliban sa kanilang matagal na pagsasama, ay mayroon din silang pakialam sa kalikasan.

“So cool. Good to know about the tree planting as a gift…” sabi ng isang netizen.

Sources: Instagram,  Masungi Georeserve

Loading…