Mag-asawang Jinkee at Manny Pacquiao, nag-ala K-drama stars sa South Korea; Jinkee may selfie kay Ji Chang Wook

  • Trending sa social media ang larawan ng mag-asawang Jinkee at Manny Pacquiao sa South Korea
  • Animo’y mga KDrama stars ang dalawa suot ang tradisyonal na Hanbok ng mga Koreano
  • May selfie rin si Jinkee kasama ang KDrama actor na si Ji Chang Wook 

Kamakailan lamang ay nag-trending sa social media ang pagdalaw ng mag-asawang Manny at Jinkee Pacquiao sa Chinese tycoon na si Jack Ma. Pinuntahan nila ang opisina ng malaking business nito na Alibaba Group, at maging ang foundation nito.

Matapos ang trip sa China, nagtungo naman ang pamilya Pacquiao sa South Korea. Dito ay in-enjoy ng pamilya ni Manny ang ganda ng South Korea, habang ang asawa naman niyang si Jinkee na isang certified KDrama fanatic ay sinulit ang panahon upang mag-ala Korean star.

Larawan mula sa Instagram account ni Jinkee Pacquiao

Trending ngayon sa social media ang pictorial ng mag-asawang Jinkee at Manny na nakasuot ng traditional Korean dress na hanbok habang nasa Hahoe Village na isang UNESCO World Heritage site. Mistulang nasa isang Korean period drama ang mag-asawa na bumuo pa ng heart gamit ang kanilang mga kamay.

May mga solong kuha rin si Jinkee habang suot pa rin ang hanbok sa isa pang UNESCO World Heritage site na Hwaseong Fortress. Dito kinukuhanan ang ilang sikat na period drama sa Korea katulad ng top rating na Jewel in the Palace.

Maliban sa kanilang kuha na suot ang traditional Korean dress, may mga larawan din si Jinkee at Manny na kuha sa magagandang spot sa South Korea. Nagpunta sila sa Garden of Morning Calm kung saan nag-picture taking sila ni Manny na animo ay bida naman sa Korean drama na Endless Love.

Ngunit sa lahat ng larawang inupload ni Jinkee, marami ang nainggit sa kanyang selfie kasama ang Korean actor na si Ji Chang Wook. Kasama ang buong pamilya Pacquiao, nakipag-selfie si Ji Chang Wook kasama pa ang boxing gloves na may pirma pa ni Manny.

Larawan mula sa Instagram account ni Jinkee Pacquiao

Nag-post pa ng serye ng mga larawan si Jinkee sa kanyang Instagram account ng kanilang exclusive meet and greet sa Korean superstar. Hindi napigilan ng ilang celebrities na mainggit katulad nina Shaira Diaz at Arci Muñoz na mga certified K-Drama fans din.

Maraming netizens din ang natuwa sa magandang relasyon ng pamilya Pacquiao. Ayon sa kanilang fans, deserve ng pamilya ang bonding na mayroon sila dahil sa kasipagang ipinakikita ng mga ito upang magkaroon ng maayos na buhay.

Loading…